Overtime

NU BINAWIAN ANG UP SA UAAP WOMEN’S VOLLEY

19 March 2026

SUMANDAL ang National University Lady Bulldogs sa career game ni rookie Sam Cantada upang pataubin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 24-26, 25-17, 21-25, 25-18, 15-8, sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nagtala si Cantada ng career-high na 32 puntos, kalakip ang 18 excellent receptions at 13 excellent digs, upang iganti ng Lady Bulldogs ang kanilang kabiguan sa Fighting Maroons sa first round.

Nag-ambag si Arah Panique ng 19 puntos upang tulungan ang defending champions Lady Bulldogs na makabalik sa panalo at umangat sa 6-2 record.

Sa ikalimang set, tuluyang kinuha ng NU ang momentum nang makalamang sa 9-6, sa pangunguna ng opensa ni Cantada, hanggang tuluyang maisara ang laban kontra UP.

Pinangunahan ni Jelai Gajero ang Fighting Maroons sa naitalang 22 puntos at 14 excellent digs. Nagdagdag si Kianne Olango ng 20 puntos, habang may tig-13 puntos sina Bienne Bansil at Niña Ytang, ngunit bumagsak ang UP sa 3-5 kartada.

Sa unang laro, mainit ang naging simula ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa ikalawang round ng eliminasyon matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-11, 25-15, 25-22.

Mula sa unang set ay hawak na ng FEU ang kontrol ng laro, ipinamalas ang maayos na opensa at depensa bago napigil ang bahagyang pagbangon ng Lady Warriors sa ikatlong set upang tuluyang maselyuhan ang straight sets na panalo.

Nagningning sa opensa si Melody Pons na nagtala ng siyam na puntos mula sa anim na atake, dalawang blocks at isang service ace. Nag-ambag din siya ng siyam na excellent digs at limang excellent receptions para tulungan ang FEU na umangat sa 5-3 kartada.

Nanguna naman sa scoring ng Lady Tamaraws si Faida Bakanke na may 14 puntos mula sa 12 atake at dalawang block, habang nagdagdag si Jazlyn Ellarina ng 11 puntos.

Sa panig ng UE, patuloy ang kanilang kabiguan matapos manatiling walang panalo sa walong laro. Nanguna si Khy Cepada na may 15 puntos.