NCAA SEASON 102 BASKETBALL MATCHES IKINASA SA WEEKDAYS
MALIBAN sa opening day match na gaganapin sa Setyembre 13, Linggo, karamihan ng mga laro sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament ay gaganapin sa weekdays.
Isasagawa ang opening-day doubleheader sa SM Mall of Asia Arena, kung saan maghaharap ang defending champion at season host San Beda University at College of Saint Benilde sa alas-2 ng hapon. Susundan ito ng salpukan ng Colegio de San Juan de Letran at University of Perpetual Help System DALTA sa alas-4 ng hapon.
Pagkatapos ng opening day, itatakda ang mga laro tuwing Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes.
Mula Setyembre 14, magkakaroon ng tig-dalawang laro para sa Juniors at Seniors division sa bawat playdate. Magsisimula ang Juniors games alas-10 ng umaga at alas-12 ng tanghali, habang alas-3 at alas-5 ng hapon naman ang Seniors games.
Magkakasama sa Group A ang San Beda, Benilde, Jose Rizal University, Lyceum of the Philippines University at Mapua University.
Binubuo naman ng Letran, Perpetual Help, Emilio Aguinaldo College, Arellano University at San Sebastian College-Recoletos ang Group B.
Mula Setyembre 13 hanggang 29 ang unang round ng group phase, kung saan Filoil Centre ang magiging pangunahing venue. Gaganapin naman sa Philsports Arena ang mga laro sa Setyembre 21 at 25.
Susundan ito ng crossover round mula Oktubre 1 hanggang 22, na karamihan ay sa Filoil Centre. Ang Oktubre 9 na laro ay ililipat sa Rizal Memorial Coliseum.
Ang ikalawang round ng group phase ay nakatakda mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 10. Sa San Andres Gym idaraos ang mga laro sa Oktubre 30, habang sa Philsports Arena naman ang playdate sa Nobyembre 9.
Sa unang linggo ng torneo, maghaharap ang San Sebastian at Arellano habang magtatapat ang Mapua at JRU sa Setyembre 14. Magsisimula naman ang kampanya ng Perpetual Help laban sa EAC sa Setyembre 17.
Bukod sa Seniors division, susunod din sa parehong groupings at iskedyul ang Juniors tournament.