Overtime

NCAA: RED LIONS SINAKMAL ANG TOP SEED SA GROUP B

Standings Group A Perpetual Help 8 4 Mapua 7 5 Arellano 6 6 Lyceum 3 9 San Sebastian 3 10 Group B San Beda 9 3 CSB 8 4 Letran 7 5 JRU 6 7 EAC 4 8 Mga laro bukas: 11 a.m. - Mapua vs Lyceum 2:30 p.m. - CSB vs San Beda

20 November 2025

NAGPAKAWALA ang  San Beda University Red Lions  ng malupit na finishing kick upang patumbahin ang Emilio Aguinaldo College Generals, 96-82, sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime Filoil Center sa San Juan.

Naghahabol ng apat na puntos, 69-73, pagpasok ng fourth quarter, agad bumira ang Red Lions sa pamamagitan ng sunod-sunod na tres nina John Bryan Sajonia, Jimuel Reyes, at Agjanti Miller upang agawin ang 81-79 kalamangan.

Naitabla pa ng Generals ang iskor sa 81-all bago tuluyang nagpasabog ng closing run ang San Beda, tampok ang matitinding opensa nina Sajonia at Miller, para maitarak ang 14-point lead sa huling minuto.

Bumida si Sajonia para sa Red Lions na may 27 puntos, kabilang ang tatlong tres, 4 rebounds, 4 assists, at 2 steals. Nanatili silang nasa tuktok ng Group B tangan ang 9-3 kartada

na may twice-to-beat bonus sa quarterfinals.

Nag-ambag ng tig-17 puntos sina Miller at Yukien Andrada, habang may 12 si Reyes at 11 si Daniel Celzo.

Pinangunahan ni Aldeo Lucero ang EAC sa kanyang 14 puntos, habang may 11 si Kyle Ochavo at 10 si Joshua Tolentino. Nahulog ang Generals sa 4-8 kartada.

Samantala, tinambakan ng Arellano University Chiefs ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 74-56, para masiguro ang puwesto nito sa quarterfinals.

Bumida si T-Mc Ongotan para sa Chiefs matapos magtala ng dobleng-doble na 24 puntos, 10 rebounds, at 2 blocks. Nag-ambag si Maverick Vinoya ng 14 puntos.

Dahil sa panalo, nagtapos ang Arellano sa 6-6  upang makuha ang No. 3 seed sa Group A. Sunod nilang makakaharap ang second seed ng Group B, na may twice-to-beat advantage.

Sa panig ng Lyceum, si John Barba lamang ang umabot sa double figures na may 13 puntos.  Bumitaw ang Pirates sa 3-9 record.