Overtime

NCAA: LETRAN SA FINALS; CSB HUMIRIT NG DO OR DIE

6 December 2025

SUMANDAL ang Colegio de San Juan de Letran Knights  sa kanilang matinding endgame run upang pataubin ang University of Perpetual Help Altas, 74-70, sa Game 2 ng NCAA Season 101 men’s basketball Final Four kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tila mapapalawig pa ng Altas ang serye nang lumamang sila sa 70-64, mahigit apat na minuto pa sa orasan. Ngunit dito na bumunot ng panibagong sigla ang Knights—nakakuha sila ng floater mula kay Kevin Santos, sinundan ng three-point play ni Jonathan Manalili, at isang napakahalagang tres mula kay Johnsherick Estrada upang maagaw ang kalamangan, 72-70.

Hindi na nagawang makapuntos ng Perpetual sa kabila ng ilang pagkakataong maitabla ang laro. Sinelyuhan ni Jun Roque ang panalo at ang tiket sa best-of-three finals nang maipasok niya ang dalawang free throws sa huling sandali.

Pinangunahan ni Manalili ang Knights sa kanyang double-double na 16 puntos at 14 assists, habang nag-ambag si Estrada ng 14 puntos. Tinapos nila ang semis series na may malinis na 2-0 marka.

Sa panig ng Altas, nanguna si Patrick Sleat na may 17 puntos, sinundan ni Mark Gojo Cruz na may 15, habang tinapos ni  John Cedrick Abis ang kanyang collegiate career na may double-double na 10 puntos at 11 rebounds.

Samantala, isang matinding floater sa buzzer mula kay Ian Torres ang nagligtas sa College of St. Benilde Blazers, na dumagit ng 77-75 panalo laban sa San Beda University Red Lions sa Game 2.

Abante ang Red Lions, 71-68, matapos ang basket ni John Bryan Sajonia, ngunit agad bumawi ang Blazers sa salpakan ni Torres upang lumapit sa 70-71 bago muling umarangkada ang San Beda sa pamamagitan ng sigurado ring tira ni Jomel Puno para sa 73-70 abante.

Hindi nagpatinag ang CSB. Isinablay ni Torres ang isang tres upang itabla ang laro sa 73-all, bago nagpalitan ng baskets sina Sajonia at Justine Sanchez para manatili ang dikitang iskor na 75-all.

May siyam na segundo na lamang nang magmintis sa layup si Nygel Gonzales ng San Beda. Sa sumunod na possession, sinelyuhan ni Torres ang panalo sa pamamagitan ng buzzer-beating floater upang itulak ang serye sa do-or-die Game 3.

Bumirada si Torres ng 17 puntos upang suportahan si Winston Ynot, na nanguna para sa Blazers na may 19 puntos, 7 rebounds, at 5 assists. Naglatag din si Sanchez ng double-double na 14 puntos at 10 rebound.