Overtime

NCAA: LADY TAMS NALUSUTAN ANG LADY BULLDOGS

23 March 2026

NAGING matatag ang Far Eastern University Lady Tamaraws upang pataubin ang National University Lady Bulldogs, 25-23, 25-23, 21-25, 20-25, 22-20, sa UAAP women’s volleyball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nanguna si Faida Bakanke sa opensa ng Lady Tamaraws sa kinamadang 22 puntos, habang nag-ambag sina Lovely Lopez at Alyssa Devosora ng 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa panalo, umangat ang FEU sa 6-3 kartada, katabla mismo ang NU sa ikalawang puwesto.

Mainit na sinimulan ng FEU ang laban matapos angkinin ang unang dalawang set sa mahihigpit na dikitan, gamit ang kanilang kalmadong laro sa mga krusyal na sandali upang pigilan ang Lady Bulldogs.

Hindi naman nagpatinag ang NU at bumawi sa ikatlo at ikaapat na set upang itulak ang laban sa deciding fifth set.

Naging matindi ang palitan ng puntos sa huling set, kung saan kapwa nagpakita ng determinasyon ang dalawang koponan. Sa huli, nanaig ang Lady Tamaraws matapos mapakinabangan ang mga pagkakamali ng kalaban at maghatid ng mga krusyal na puntos sa crunch time upang maisara ang laban, 22-20.

Pinangunahan ni Sam Cantada ang Lady Bulldogs sa kanyang 20 puntos, sinundan ni Evangeline Alinsug na may 19. Nag-ambag sina Arah Panique, Cham Maaya, at Alexa Mata ng 16, 11, at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa unang laro, tinapos ng University of the Philippines Fighting Maroons ang kanilang apat na sunod na pagkatalo matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-21, 25-15, 25-14.

Nagbida si Kianne Olango para sa Fighting Maroons na may 18 puntos, at nagdagdag sina Niña Ytang at Jelai Gajero ng 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod. Umangat sila sa 4-6 kartada.

Nakatulong ang panalo upang makabangon ang Fighting Maroons mula sa kanilang slump, na nagsimula matapos mawala sa lineup ang pangunahing scorer na si Casiey Dongallo dahil sa season-ending ACL injury.

Sa panig ng UE, nanguna si Khy Cepada na may 12 puntos, 17 excellent receptions, at 10 digs. Nanatiling walang panalo ang Lady Warriors matapos ang siyam na laro.