Overtime

NCAA: LADY KNIGHTS RATSADA SA 8-0

21 February 2026

NAKOPO ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang ika-8 dikit na panalo makaraang pataubin ang Mapúa University Lady Cardinals, 26-24, 20-25, 25-17, 25-21, sa NCAA Season 101 women’s volleyball kahapon sa San Andres Sports Complex.

Pinangunahan ng Player of the Game na si Gia Maquilang ang Lady Knights matapos kumamada ng 22 puntos, kabilang ang 20 atake. Nag-ambag din siya ng 11 excellent receptions at pitong digs upang sandigan ang panalo ng Letran.

Mahigpit ang naging labanan sa unang set bago nakalusot ang Lady Knights, 26-24, ngunit gumanti ang Lady Cardinals sa ikalawang yugto, 25-20, upang itabla ang laban.

Muling nakabawi ang Letran sa ikatlong set matapos lumayo, 25-17, bago tuluyang sinelyuhan ang panalo sa ikaapat na set, 25-21.

Sa panalo, napanatili ng Lady Knights ang kanilang malinis na kartada sa Group B na may 8-0, habang bumagsak ang Mapúa sa 3-5 sa Group A.

Samantala, winalis ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-19, 25-21, 25-17.

Pinamunuan ni Clydel Catarig ang opensa ng Benilde matapos magtala ng 13 puntos, na nag-angat sa Lady Blazers sa 6-2 sa Group A. Nanatili namang walang panalo ang Lady Generals sa Group B sa 0-9.