Overtime

NCAA: LADY KNIGHTS PURO NA SA KORONA

6 April 2026

DUMIKIT  sa korona ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights matapos na igupo ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 17-25, 25-23, 20-25, 25-14, 15-11, sa Game 1 ng NCAA Season 101 women’s volleyball finals kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Matapos mabigo sa unang set, agad nakabawi ang Lady Knights sa ikalawa upang itabla ang laban bago muling nakontrol ng Lady Blazers ang ikatlong set para sa 2-1 lead.

Bumalikwas ang Letran sa ikaapat sa pamamagitan ng isang dominanteng panalo upang maitulak ang laban sa deciding set. Sa huling set, nanaig ang Letran sa dikitang labanan upang masungkit ang panalo.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Letran sa naitalang 18 attacks, dalawang aces, at isang block, habang nag-ambag si Vanessa Sarie ng 19 attacks at 15 receptions.

Nagpakitang-gilas si Gia Maquilang na may 18 puntos mula sa tatlong aces, bukod pa sa 17 digs at 13 receptions, habang nagningning sa depensa si Lara Mae Silva na nagtala ng 37 digs.

Hawak ngayon ng Letran ang 1-0 bentahe sa best-of-three finals series at isang panalo na lamang ang kailangan upang masungkit ang kampeonato. Gaganapin ang Game 2 sa Miyerkoles sa kaparehong venue.