NCAA: LADY KNIGHTS PINAHIGPIT ANG KAPIT SA LIDERATO
PINATATAG ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang kanilang kapit sa liderato matapos igupo ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 15-25, 25-19, 19-25, 25-15, 15-10, sa NCAA Season 101 women’s volleyball kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinangunahan nina Judiel Nitura, Gia Maquilang, at Vanessa Sarie ang Lady Knights sa pagpapataob sa Lady Blazers upang hilahin ang kanilang winning streak sa siyam sa Group B.
Kumamada si Nitura ng 22 puntos, kabilang ang krusyal na block na nagbigay ng match point sa deciding set, upang maipaghiganti ang kanilang pagkatalo sa Lady Blazers sa Season 100 Finals.
Nag-ambag naman si Maquilang ng triple-double na 16 puntos, 18 digs, at 12 receptions, habang nagdagdag si Sarie ng 13 puntos, tampok ang service ace na tuluyang nagselyo sa panalo ng Letran.
Sa panalo ay lalong lumakas ang tsansa ng Letran na makuha ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Pinangunahan ni Clydel Catarig ang Lady Blazers na may 19 puntos, habang nagdagdag si Zam Nolasco ng 17 puntos. Bumagsak sila sa 6-3 sa Group A.
Samantala, napigilan ng University of Perpetual Help Lady Altas ang tangkang reverse sweep ng San Beda Lady Red Spikers sa pamamagitan ng 25-19, 25-20, 15-25, 22-25, 17-15 panalo.
Nagbida si Cyrille Almeniana na may 18 puntos para sa Lady Altas.