Overtime

NCAA: LADY CHIEFS LUMAPIT SA FINAL 4

23 May 2025

DUMIKIT ang Arellano University Lady Chiefs sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament Final Four kasunod ng 25-19, 25-15, 25-23 pagwalis sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals noong Miyerkoles sa Playtime FilOil Center sa San Juan City.

Nanguna si Laika Tudlasan na may 13 puntos, kabilang ang 10 atake at 3 service aces, para sa three-time NCAA champions Lady Chiefs na umangat sa 11-6 kartada.

Dahil sa panalo ng Lady Chiefs ay laglag na sa Final 4 contention ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, na kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto tangan ang 7-8 kartada.

Kahit nagwagi kontra Lady Generals, nagpahayag pa rin ng pagkabahala si Lady Chiefs head coach Obet Javier matapos na muntik na masayang ang kanilang kalamangan sa ikatlong set.

“Panalo kami pero hindi ako masaya kasi hindi maganda ‘yung performance ng team. Masyadong naka-relax, ‘yun ang nakakatakot,” ani Javier. “Concern ‘yan heading into our next games. Dapat mas maayos ‘yung galaw namin.”

Abante ang Lady Pirates sa 17-12 sa kalagitnaan ng ikatlong set nang magpakawala ng matinding ratsada ang Lady Generals upang itabla ang iskor sa 22-all matapos ang atake ni Alex Razonable.

Nakuha ng Arellano ang 24-22 kalamangan matapos ang error ng Lyceum at atake ni Moming Padillon. Nakabawi pa ng isang atake ang Lady Pirates bago sinelyuhan ng Lady Chiefs ang panalo sa atake ni Sam Tiratira.

Sa pagkatalo ay nahulog sa 4-12 kartada ang Lady Generals, na sibak na sa Final Four contention.

Sa men’s division, naglista ang Arellano University Chiefs (12-5) ng magaan na 25-18, 25-8, 25-14 dominasyon sa EAC Generals (5-11). Muling nanguna para sa Chiefs si AC Guinto na may 12 puntos.