NCAA: LADY BLAZERS HUMIHINGA PA
BUHAY pa ang hangarin ng College of Saint Benilde Lady Blazers na maidepensa ang korona sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos ang 25-18, 25-21, 27-25 pagwalis sa Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa Game 2 kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Zam Nolasco ang Lady Blazers sa kanyang 19 puntos at naging sandigan siya ng koponan sa parehong depensa at opensa, kabilang ang panapos na atake na tuluyang nagbigay ng panalo sa Benilde.
Naging susi ang presensiya ng Season 101 MVP sa mga kritikal na sandali, lalo na nang tangkaing bumawi ng Lady Knights sa ikatlong set.
“Sobrang nakaka-boost ng confidence po kasi ngayon lang namin sila natalo this season and sa finals pa so reward ‘yun para sa amin ‘yun [before] Game 3,” ani Nolasco.
“Malaki rin pong recognition [‘yung MVP award] for me as a player and hindi ko naman po pinersonal kasi hindi pa naman tapos ‘yung trabaho namin this season,” dagdag niya.
Hindi rin nagpahuli ang rookie na si Cam Bartolome na nag-ambag ng 14 puntos at nagbigay rin ng suporta si Clydel Catarig na may 11 puntos para sa nagdedepensang CSB.
Naging epektibo rin ang depensa ng Lady Blazers laban sa pangunahing sandata ng Letran na si Judiel Nitura, na nalimitahan sa siyam na puntos matapos ang kanyang malakas na ipinakita sa Game 1. Sinubukang bumawi nina Nicen Colendra at Gia Maquilang na kapwa may 11 puntos, ngunit kinapos pa rin ang Lady Knights.