NCAA: LADY BLAZERS DUMIKIT SA 4-PEAT
NAKABAWI ang De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers mula sa first set loss upang maitakas ang 26-28, 26-24, 25-16, 25-19 panalo
laban sa Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa Game 1 ng NCAA women’s volleyball finals kahapon sa Filoil Centre.
Halimaw si third-year middle blocker Zam Nolasco sa net makaraang magpakawala ng 8 blocks, kabilang ang match point-clinching rejection kay Vanessa Sarie, upang tumapos na may 21 points para sa Lady Blazers.
Nagposte si Cristy Ondangan ng 14 points habang nagdagdag sina Mycah Go at Shahanna Lleses ng 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Tatangkain ng Lady Blazers ang four-peat title run sa Miyerkoles sa Game 2 ng best-of-three series.
“Sobrang laking tulong sa amin nu’ng block kasi ‘yun naman po ‘yung nire-remind sa amin ni coach kasi doon kami kukuha ng kumpiyansa sa laro,” pahayag ni Nolasco sa GMA News Online.
“Mas tumataas ‘yung confidence namin ‘pag nakaka-block kami.”
Nagtala si Sarie ng 19 points sa pagkatalo at nagdagdag ng 12 receptions habang tumapos si Gia Maquilang na may 15 markers at 10 digs.