Overtime

NCAA: LADY ALTAS SILAT SA LADY BOMBERS

25 May 2025

NALAGAY sa balag ng alanganin ang Final Four bid ng University of Perpetual Help Lady Altas matapos gulantangin ng Jose Rizal University Lady Bombers, 18-25, 17-25, 31-29, 25-20, 15-12 sa NCAA Season 100 women’s volleyball kahapon sa PlayTime FilOil Center sa San Juan.

Nagpamalas ng matinding depensa si Marianne “Yanyan” Aloña sa kanyang double-double na 29 excellent digs at 15 excellent receptions para sa Lady Bombers, na umangat sa 3-14.

Nanguna sa opensa si Patricia Ann Del Pillar na may 20 puntos, sina Kayla Rafaela Jasareno, Nicole Deala, Czarina Ramos ay may tig-14 puntos, habang si Jerry Lyn Laurente ay may 23 excellent sets.

Masaya man sa kanilang ikalawang sunod na panalo ay may panghihinayang si Lady Bombers head coach Mia Tioseco dahil huli nang natuklasan ng kanyang tropa ang kanilang kakayahang manalo sa liga.

“Sadly, ngayon lang namin nakukuha (panalo) na pa-end na but at least better late than never, sabi nga nila,” pahayag ni Tioseco sa panayam sa media matapos ang kanilang come-from-behind win.

“Happy ako na at least nare-realize nila na kaya nila, or ang pinaghirapan nila, may pinuntahan naman eh, kailangan lang talagang tapangan pa,” dagdag pa niya.

Nagbida  si Winnie Bedana sa kanyang 18 puntos, may tig-16 sina Shaila Omipon at Camille Bustamante, habang sina Pauline Reyes at Geraldine Palacio ay may 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Altas, na laglag sa fifth place sa kanilang 9-7 rekord.

Samantala, pinataob ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates (8-8) ang San Sebastian College Lady Stags (7-10), 23-25, 25-22, 25-22, 25-15. Nagbida si rookie Angelica Cruz na may 16 puntos.

Sa men’s division, nanatili sa Final Four contention ang nagdedepensang Perpetual Help Altas (9-7) matapos ang 24-26, 25-18, 27-29, 25-22, 15-12 panalo sa JRU Heavy Bombers (3-14). Nanguna si Kobe Tabuga sa kanyang 26 puntos para sa Altas.

Dinaig naman ng San Sebastian College Golden Stags ang Lyceum Pirates, 30-28, 21-25, 18-25, 25-22, 15-8. Kumamada si Rhenmart Alba ng 26 puntos.