Overtime

NCAA: EAC SINILAT ANG LYCEUM, PASOK SA Q’FINALS

14 March 2026

NASUNGKIT ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals ang kanilang kauna-unahang panalo sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos gulantangin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-23, 25-16, 26-24, sa play-in round kahapon sa San Andres Sports Complex.

Kumamada si Alex Razonable ng 13 puntos, kalakip ang pitong excellent digs at pitong excellent receptions para sa EAC, na nabigo sa lahat ng kanilang 13 laro sa elimination round bago ang nasabing panalo.

Nagpakita ng bagong sigla at kumpiyansa ang Lady Generals sa do-or-die match, matapos agawin ang dikitang first set bago tuluyang kontrolin ang second set.

Sinubukan pang pahabain ng Lady Pirates ang laban ngunit nanaig ang Lady Generals sa dikitang labanan upang tuluyang maselyuhan ang straight sets na panalo.

Sa tagumpay, umusad ang Lady Generals sa quarterfinals kung saan haharapin nila ang University of Perpetual Help Lady Altas na may twice-to-win na bentahe.

Samantala, nakapasok din sa quarterfinals ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags matapos igupo ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-23, 12-25, 25-17, 25-22.