Overtime

MGA PINOY, HINIMOK MAGKAISA PARA SA MGA ATLETANG SASABAK SA SEA GAMES

HINIMOK ni Senate Committee on Sports Chairman Christopher 'Bong' Go ang mga Pilipino na muling magkaisa at ipakita ang suporta sa mga atletang sasabak sa Southeast Asian Games.

/ 22 April 2022

Sinabi ni Go na kailangan ng mga atleta ang buong suporta upang maging inspirado at makamit ang mga tinatarget nilang karangalan para sa bansa.

“Full support po ako bilang Committee Chairman on Sports sa Senado, full support ako gaya ng dati, full support ako sa ating mga atleta. Ibigay natin ang dapat para sa kanila, suportahan natin sila pag-alis hanggang sa makarating doon lahat po,” pahayag ni Go. 

“Para naka-focus po ang ating mga atleta sa paglalaro lamang at pagbibigay po ng karangalan, medalya para sa ating bansa at sa ating mga kababayan,” pagpapatuloy ng senador. 

Binigyang-diin ni Go na kailangang muling ipakita ng mga Pinoy ang pagkakaisang iparamdam ng mga ito sa pagsuporta sa mga atleta noong 2019 SEA Games.

“Good luck po sa mga kababayan natin, sa mga atleta na lalahok po sa SEA Games good luck po sa inyong lahat. Gaya ng dati dalahin nyo po yung glory dito sa ating bansa,” diin ni Go. 

“Tulad nung nangyari dito sa Clark, nagkaisa tayo, nagsama-sama opisyales, government, private sector and mamayang Pilipino pag sumuporta, kaya nating mag-excel kaya nating mag-number 1 po sa larangan ng sports,” dagdag pa nito.