Overtime

MAPUA, SAN BEDA MAINIT ANG SIMULA SA NCAA

2 October 2025

ISANG split free throw ni Cyrus Cuenco ang nagselyo sa panalo ng Mapua University Cardinals laban sa Lyceum Pirates, 90-89, sa double overtime sa NCAA Season 101 men’s basketball kagabi sa Araneta Coliseum.

Tabla ang iskor sa 89-all nang makakuha ng foul si Cuenco, may 6.8 segundo ang nalalabi. Isa lang ang naipasok niya, pero sapat na iyon para ibigay ang kalamangan sa Mapua na hindi na naagaw pa.

Huling tsansa sana ng Pirates ang tira ni Lyon Pallingayan, pero sumablay ang kanyang contested shot hanggang sa pagtunog ng buzzer, kaya nakuha ng Cardinals ang 1-0 panimulang record sa Group A.

Pinangunahan ni JC Recto ang Mapua sa kanyang 16 puntos, 9 rebounds at 5 steals na nagbigay sa kanya ng Player of the Game honors.

Mula umpisa, dikdikan na ang bakbakan, walang nagpalamang ng doble digit, at nauwi ang init ng laro sa dalawang extension.

Kumamada si Renz Villegas ng 23 puntos, 4 rebounds at 4 assists para buhayin ang Pirates hanggang dulo.

Pero sa huli, nanaig ang disiplina at tikas ng Mapua, at ang isang free throw ni Cuenco ang naging sandigan ng defending champions para sa kanilang unang panalo ngayong season.

Samantala, inalpasan ng San Beda University Red Lions ang College of St. Benilde Blazers, 96-85, para tablahan ang Cardinals sa ibabaw ng standings.

Nanguna si Yukien Andrada sa kanyang 11 puntos, 4 rebounds, at 3 assists para hiranging Player of the Game para sa Red Lions.