MAPUA-BENILDE TITLE SHOWDOWN SIMULA NA
SIMULA na ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Mapua University at ng De La Salle-College of Saint Benilde para sa pinakaaasam na NCAA men’s basketball tournament title ngayong alas-2 ng hapon sa Araneta Coliseum.
SIMULA na ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Mapua University at ng De La Salle-College of Saint Benilde para sa pinakaaasam na NCAA men’s basketball tournament title ngayong alas-2 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Magiging makasaysayan ang title showdown kung saan kapwa umaasa ang dalawang koponan na mawakasan ang kanilang mahabang title droughts — ang Cardinals ay huling nagwagi ng korona noong 1991, habang ang Blazers ay huling nagkampeon noong 2000.
Ito rin ang unang pagkakataon sa loob ng 15 taon na walang San Beda University o Colegio de San Juan de Letran na magwawagi ng korona.
Ang Mapua at Benilde ay balanse pagdating sa head-to-head matches ngayong season. Ang Blazers ay sumandal sa kanilang newcomers upang maiposte ang 78-65 panalo sa kanilang first round match kung saan nagbuhos si MVP frontrunner Allen Liwag ng 23 points na sinamahan ng 18 rebounds sa kanyang unang laro sa pagbabalik sa NCAA noong nakaraang September 8.
Gayunman, nanalasa si reigning MVP Clint Escamis sa kanilang ikalawang paghaharap, isinalpak ang buzzer-beater triple upang tampukan ang 20-point comeback victory para sa Mapua, 75-73, noon lamang nakaraang November 10.
Pagkatapos ay dinispatsa ng dalawang koponan ang kani-kanilang semifinals foes kung saan hinubaran ng korona ng Benilde ang San Beda University habang natakasan ng Mapua ang host Lyceum of the Philippines University upang maisaayos ang kanilang kauna-unahang NCAA finals duel.
Sinabi ni Benilde head coach Charles Tiu na magiging susi sa kung paano gagamitin ng dalawang koponan ang much-needed one-week break.
“For NCAA, it’s good na it might be the first time in so long na hindi San Beda or Letran ang nag-champion. There’s gonna ba a new champion, hopefully it’s us. But to me, it doesn’t matter naman who we face kasi all the teams are tough,” sabi ni Tiu.
“The finals games are a bit long to be honest, one week apart, siyempre gusto na rin namin maglaro but it is what it is. It gives us time to rest and recover and hopefully we can prepare for Mapua.”
Sinang-ayunan ito ni Mapua head coach Randy Alcantara, at sinabing ang isang linggong pahinga ay makatutulong sa kanila na mahimay ang kanilang mga kahinaan at umaasang maitama ang mga ito sa sandaling magharap sila ng Benilde sa Big Dome.
“Again, sabi ko nga sa start ng NCAA, walang mahina at walang malakas. So pahinga muna ‘yung mga players. Kung ano ‘yung preparation namin sa elimination, siguro mas dodoblehin pa namin at ‘yung details makuha namin during filming,” pahayag ni Alcantara sa GMA News Online.
“Babalikan namin kung saan nagkamali at sana itong one week na ‘to makatulong sa amin nang malaki.”
Ang Game 2 ay gaganapin sa December 7, 2:30 p.m. sa Araneta Coliseum, habang ang Game 3, kung kinakailangan ay sa December 14, 2:30 p.m., sa parehong venue.