Overtime

MALINIS NA MARKA NAPANATILI NG DLSU

2 March 2026

MABILIS na nakabawi ang De La Salle University Lady Spikers mula sa kanilang kauna-unahang set loss sa UAAP Season 88 women’s volleyball upang pataubin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-14, 21-25, 25-15, 25-17, kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kabila ng muling pagliban ni team captain Shevana Laput dahil sa karamdaman, ipinakita ng Lady Spikers ang kanilang lalim at composure upang mapanatili ang malinis na kartada sa  4-0.

Pinangunahan ni Angel Canino ang La Salle sa kanyang double-double na 21 puntos at 11 excellent receptions. Malaki rin ang naitulong nina Kathrina del Castillo at Amie Provido na nagtala ng tig-18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Malakas ang naging simula ng Lady Spikers matapos kontrolin ang unang set sa pamamagitan ng organisadong opensa at matatag na depensa. Gayunpaman, nakabawi ang Ateneo sa ikalawang set upang maitabla ang laban sa 1-1.

Hindi nagpatinag ang DLSU at agad na bumawi sa ikatlo at ikaapat na set, kung saan muling pinangunahan nina Canino at Del Castillo ang opensiba habang naging mas epektibo ang depensa ng koponan upang tuluyang selyuhan ang panalo.

Nanguna naman si Ana Hermosura para sa Ateneo na may 18 puntos, habang nagdagdag si Jennifer delos Santos ng 15 puntos. Nanatiling walang panalo ang Blue Eagles sa 0-4 kartada.

Samantala, nalusutan ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang mabagal na simula upang gapiin ang Adamson University Lady Falcons, 22-25, 30-28, 25-17, 25-20.

Pinangunahan ni Faida Bakanke ang FEU matapos magtala ng 22 puntos mula sa 17 attacks at limang blocks, na nakatulong sa Lady Tamaraws na umangat sa 2-2 record.

Nagbigay rin ng mahalagang ambag si Alyssa Devosora sa kanyang all-around performance na 18 puntos at 15 excellent receptions, habang nagdagdag si Gerzel Petallo ng 10 puntos upang palakasin ang opensiba ng FEU.

Sa panig ng Adamson, nanguna si Shaina Nitura na may 22 puntos, kalakip ang 31 excellent receptions at 13 excellent digs. Nag-ambag din sina Frances Mordi at Lhouiz Tuddao ng 19 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.