Overtime

LETRAN BALIK SA FINALS NG NCAA WOMEN’S VOLLEY

4 June 2025

BALIK sa NCAA women’s volleyball Finals ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights kasunod ng 30-28, 25-12, 25-21 pagwalis sa Arellano University Lady Chiefs sa semifinals kahapon sa Playtime FilOil Arena sa San Juan City.

Kumamada si Judiel Nitura ng  17 points, kabilang ang 15 attacks at 2  blocks, para pangunahan ang Lady Knights, na umusad sa NCAA Finals sa ikalawang sunod na taon, at mapiling Player of the Game.

“Ang sabi lang sa amin ng coaches is mag-focus kami sa game, at gawin lang namin ng maayos ‘yung mga pinapagawa nila sa amin sa game,” pahayag ni Nitura matapos ang laro.

“Sinabihan din kami na huwag namin piliting gawin ‘yung mga bagay na hindi naman namin usually ginagawa sa laro, kumbaga natural lang dapat mga galaw namin sa loob ng court.”

Muling makakatapat ng Lady Knights ang nagdedepensang College of St. Benilde Lady Blazers sa best-of-three championship series.

Sa men’s division, nakahirit ang Arellano University Chiefs ng winner-take-all Game 2 sa semis matapos ang 21-25, 25-23, 25-17, 25-13 panalo sa Mapua University Cardinals.

Nanguna sa opensa si AC Guinto na may 19 points, mula sa 14 attacks, 4 blocks, at 1 service ace, habang si Carl Berdal ay may double-double na 13 points at 13 excellent receptions para sa Arellano.