LETRAN ARIBA SA IKA-6 NA SUNOD NA PANALO SA NCAA WOMEN’S VOLLEY
PATULOY ang ratsada ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament matapos ang 25-21, 25-22, 25-23 pagwalis sa San Sebastian College-Recoletos Lady Stags kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Pasiklab si rookie outside spiker Vanessa Sarie sa kanyang triple-double na 17 points, 12 excellent digs, at 12 excellent receptions para sa Lady Knights, na nasungkit ang ika-6 na sunod na panalo para sa 12-2 kartada.
Nagdagdag si Judiel Nitura ng 15 points, mula sa 11 attacks, 3 service aces, at 1 block, habang nag-ambag din si Gia Maquilang ng 11 markers para sa Letran.
Kaagad na dinomina ng Lady Knights ang unang dalawang sets, maging ang ikatlong set kung saan itinarak nito ang komportableng 17-8 abante mula sa atake ni Natalie Estreller.
Bumalikwas naman ang Lady Stags sa likod nina Juna Gonzales at Divine Garcia upang ibaba ang hinahabol sa 22-23 bago isinelyo ng Lady Knights ang panalo sa back-to-back hits nina Maquilang at Sarie.
“Coming into the second round, inisip lang namin ‘yung build ng team, ‘yung chemistry ng team,” pahayag ni Lady Knights rookie hitter Nicen Colendra matapos ang laro.
Dahil sa pagkatalo ay laglag ang Lady Stags sa 7-7.
Sa men’s division, umahon ang Colegio de San Juan de Letran Knights mula sa dalawang set na pagkakaiwan upang daigin ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags, 23-25, 23-25, 25-17, 25-19, 15-10.
Nag-step up si reserve setter Moi Sumagaysay sa kanyang 20 excellent sets upang igiya ang Letran sa pag-angat sa 9-5 marka. Nahulog naman ang Golden Stags sa 4-10 record.