LADY TAMS GINULANTANG ANG LADY SPIKERS SA UAAP VOLLEYBALL
Standings W-L *NU 11 2 *UST 9 4 *DLSU 9 5 *FEU 9 5 xUP 6 7 xAdU 5 8 xAteneo 5 9 xUE 0 14 *Final Four xEliminated Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum) 9 a.m. - NU vs UST (Men) 11 a.m. - UP vs AdU (Men) 1 p.m. - UP vs AdU (Women) 5 p.m. - NU vs UST (Women)
DINISPATSA ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang De La Salle University Lady Spikers, 25-20, 28-26, 20-25, 25-23, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kagabi sa Araneta Coliseum.
Nahaharap sa 21-22 deficit ang Lady Tamaraws sa dulo ng fourth set nang umiskor si Faida Bakanke upang itabla ang laro bago nila nakuha ang 24-22 kalamangan mula sa error ni Shevana Laput ng Lady Spikers at atake ni Lovely Lopez.
Naisalba pa ng Lady Spikers ang laro sa 23-24 matapos ang puntos ni Angel Canino, ngunit sinelyuhan ng Lady Tamaraws ang tagumpay sa crosscourt hit ni Lopez mula sa set ni Tin Ubaldo.
Nagbida si Gerzel Petallo sa kanyang 19 puntos mula sa 16 na atake, dalawang service aces, at isang block, kasahog pa ang 11 excellent receptions at walong excellent digs para sa Lady Tamaraws, na tinablahan ang Lady Spikers sa 9-5.
Pasiklab din si Jazlyn Ellarina sa kanyang 13 puntos, buhat sa siyam na atake, tatlong blocks, at isang service ace, habang may tig-10 puntos sina Bakanke at Chen Tagaod para sa FEU.
Nanguna naman si Canino para sa Lady Spikers na may 24 puntos, 11 excellent receptions, at 10 excellent digs, habang may 12 at 11 puntos sina Laput at Babyjyne Soreno, ayon sa pagkakasunod.
Dahil sa resulta ay may tsansa pa sa twice-to-beat incentive ang Lady Tamaraws at Lady Spikers sakaling matalo ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa National University Lady Bulldogs ngayong gabi.
Ngunit kapag nanaig ang Golden Tigresses sa Lady Bulldogs, masusungkit ng una ang twice-to-beat incentive sa Final Four round.
Sa men’s division, dinaig ng top-seed FEU Tamaraws (13-1) ang No. 4 ranked DLSU Green Spikers (9-5), 21-25, 25-17, 25-19, 25-22. Nagbida si Dryx Saavedra sa kanyang 25 puntos para sa Tamaraws.
Tinapos naman ng Ateneo de Manila University Blue Eagles (7-7) ang kanilang kampanya sa panalo matapos ang 18-25, 22-25, 26-24, 25-22, 15-12 pagtakas sa UE Red Warriors (0-14). Bumida si Amil Pacinio para sa Ateneo na may 18 puntos.