LADY SPIKERS NANATILING WALANG DUNGIS
NALUSUTAN ng De La Salle University Lady Spikers ang matinding hamon ng Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-17, 25-22, 23-25, 19-25, 15-10, upang manatiling walang talo sa UAAP Season 88 women’s volleyball kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinangunahan nina Angel Canino at Shevana Laput ang Lady Spikers na nagtala ng tig-23 puntos, habang nag-ambag si Amie Provido ng 16 puntos para iangat ang kanilang kartada sa 11-0.
Matapos dominahin ang unang dalawang set, nakaranas ng matinding pagsubok ang La Salle nang makabawi ang Lady Tamaraws at maipilit ang ikalimang set sa likod ng kanilang matatag na opensa.
Sa deciding set, maagang umabante ang Lady Spikers, 3-1, ngunit agad dumikit ang FEU sa 5-3. Muling nakahanap ng momentum ang La Salle at lumayo sa 8-4 sa switching.
Hindi pa rin sumuko ang Lady Tamaraws at nakalapit sa 9-7, ngunit nakalikha ng sapat na agwat ang Lady Spikers sa dulo upang tuluyang isara ang laban, 15-10.
Nanguna si Lovely Lopez sa FEU na may 16 puntos, sinundan nina Gerzel Petallo na may 14 at Faida Bakanke na may 10.Bumagsak ang Lady Tamarawa sa 6-5.
Samantala, napanatiling buhay ng University of the Philippines Fighting Maroons ang kanilang tsansa sa Final Four matapos walisin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-20, 25-14, 25-23.
Bumawi ang Fighting Maroons mula sa kanilang nakaraang pagkatalo upang itaas ang kanilang kartada sa 5-6, isang panalo na lamang ang agwat sa ikalimang puwesto na hawak ng Adamson Lady Falcons (6-5).
Pinangunahan ni Niña Ytang ang matikas na opensa ng UP sa kanyang 18 puntos mula sa 13-of-22 attacks, tatlong blocks, at dalawang aces. Nag-ambag si Jelai Gajero ng 13 puntos at may 12 naman si Irah Jaboneta.