LADY RED SPIKERS WINALIS ANG LADY GENERALS SA NCAA VOLLEY
IPINAGPATULOY ng San Beda University Lady Red Spikers ang kanilang magandang kampanya sa NCAA Season 101 women’s volleyball matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-22, 25-13, 26-24, kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinangunahan ni Angel Habacon ang Lady Red Spikers sa pagkamada ng 14 puntos mula sa 12 attacks at dalawang blocks. Nag-ambag din siya ng 12 excellent digs upang makamit ang Player of the Game honors, habang umangat ang San Beda sa 9-2 kartada.
Matapos ang dikitang unang set, tuluyang nahanap ng Lady Red Spikers ang kanilang opensa sa ikalawang set sa pangunguna ni Habacon, na nagbigay-daan sa isang dominanteng panalo.
Sinubukan ng Lady Generals na maitabla ang laban sa ikatlong set, ngunit nanatiling kalmado ang San Beda sa mga huling sandali upang maselyuhan ang straight-sets na panalo.
Ibinigay ni Lady Red Spikers head coach Emilio “Kung Fu” Reyes ang kredito sa nabubuong samahan ng koponan na susi sa kanilang pagbangon ngayong season.
“Nag-focus lang kami sa first three months sa getting to know each other muna. Nilagyan lang namin sila ng sistema,” ani Reyes.
Nanatiling walang panalo ang Lady Generals, na bumagsak sa 0-11 kartada.
Sa isa pang laban, nanaig ang University of Perpetual Help Lady Altas laban sa Jose Rizal University Lady Bombers, 25-14, 25-22, 25-20, upang umangat din sa 9-2 rekord, habang bumagsak ang JRU sa 2-9.
Pinangunahan ni Jemalyn Menor ang Lady Altas sa kanyang 11 puntos mula sa walong attacks, dalawang blocks, at isang service ace. Nagdagdag din siya ng walong excellent digs upang pangunahan ang Perpetual sa magkabilang aspeto ng laro.