Overtime

LADY KNIGHTS SA SEMIS

26 May 2025

PASOK na ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa Final Four ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament matapos walisin ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-14, 25-20, 25-12, kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan City.

Kumamada si Judiel Nitura ng 17 points upang mapiling Player of the Game, habang nagdagdag si rookie Vanessa Sarie ng 13 points at 5 excellent receptions para sa Lady Knights.

Ang panalo ay nagsilbing pambawi ng Lady Knights (14-3) sa kanilang four-set loss sa nagdedepensang College of St. Benilde Lady Blazers noong Miyerkoles.

Ayon kay Lady Knights head coach Oliver Almadro, masaya siya sa ikalawang sunod na Final Four appearance ng Letran, ngunit asam nitong makopo na ang kampeonato ngayong season.

“Happy for that feat na two years na nakaabot kami sa Final Four is a blessing. We thank the Lord for the opportunity to be in the Final Four, but of course hindi siya natatapos sa pagiging Final Four,” ani Almadro.

“We have to put that goal into our dream, kumbaga dream namin mag-champion pero we have to put that goal na makalagpas muna sa semifinals,” dagdag pa niya.

Nagbida naman si Nicole Deala na may pitong puntos para sa Lady Bombers, na tinapos ang kanilang kampanya na may 3-15 win-loss slate.

Winalis naman ng San Beda University Red Lions (10-7) ang EAC Generals (5-12), 25-16, 26-24, 25-21. Nanguna si Ralph Cabalsa para sa Red Lions na may 15 puntos.