Overtime

LADY GENERALS HUMIRIT NG DO OR DIE; LADY KNIGHTS SA SEMIS

16 March 2026

NANATILING buhay ang tsansa ng Emilio Aguinaldo College  Lady Generals sa postseason matapos na pataubin ang University of Perpetual Help Lady Altas sa Game 1 ng kanilang quarterfinal series sa NCAA Season 101 women’s volleyball kahapon sa San Andres Gym sa Maynila.

Dinaig ng Lady Generals ang may twice-to-beat incentive na Lady Altas sa iskor na 25-18, 19-25, 27-25, 25-22 upang makalapit sa inaasam na puwesto sa Final Four. Nakatakda ang do-or-die game sa Miyerkoles.

Pinangunahan ni Angel Perez ang impresibong panalo ng EAC matapos kumamada ng 24 puntos, kabilang ang 22 attacks, isang ace at isang block, upang tanghaling Player of the Game.

Malaki rin ang naging ambag nina Ashley Toriado na may 16 puntos at Alex Razonable na may 14 puntos para sa Lady Generals, na umabante sa quarterfinals matapos talunin ang Lyceum Lady Pirates sa play-in round.

Sa panig ng Perpetual Help, nanguna si Jemalyn Menor na may 22 puntos habang nagdagdag si Cy Almeniana ng 15 puntos sa ikatlong pagkatalo ng Lady Altas ngayong season.

Samantala, umusad sa semifinals ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights matapos talunin ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags, 28-26, 12-25, 25-14, 25-22.