Overtime

LADY FALCONS GINULANTANG ANG LADY BULLDOGS SA UAAP VOLLEYBALL

Mga laro sa Miyerkoles: (Philsports Arena) 9 a.m. - UE vs NU (Men) 11 a.m. - Ateneo vs FEU (Men) 1 p.m. - UE vs NU (Women) 3 p.m. - Ateneo vs FEU (Women)

7 April 2025

SINILAT ng Adamson University Lady Falcons ang National University Lady Bulldogs, 25-23, 15-25, 28-26, 25-22, sa UAAP Season 87 women’s volleyball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Hataw si rookie Shaina Nitura ng 32 points, kabilang ang 30 attacks at 2 service aces, kasama pa ang 10 excellent digs at 6 excellent receptions upang akayin ang Lady Falcons sa 4-7 kartada.

Tumapos sina Frances Mordi at Mayang Nuique na may tig-8 puntos para sa Lady Falcons, na huling nanalo kontra Lady Bulldogs noong UAAP Season 81 noong Marso 3, 2019.

Tabla sa 20-all ang dalawang koponan sa ikaapat na set, nagpakawala ang Lady Falcons ng magkasunod na puntos mula kina Jen Villegas at Frances Mordi kasabay ng isang error ng Lady Bulldogs upang itarak ang 23-20 bentahe.

Tinapyas ng Lady Bulldogs sa  21-23 ang deficit matapos ang atake ni Mhicaela Belen ngunit gumawa ng service error si Erin Pangilinan upang ilapit sa match point ang Lady Falcons, 24-21.

Muli namang sumagot ng puntos si Belen para sa Lady Bulldogs upang ibaba ang hinahabol sa 22-24, ngunit tinuldukan ng powerful hit ni Mordi ang tagumpay ng Lady Falcons.

Nagbida si Belen na may 19 puntos, nag-ambag si Evangeline Alinsug ng 16 puntos, habang may 12 at 10 puntos sina Minierva Maaya at Alinsug, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Bulldogs, na nanatili sa unahan na may 9-2 kartada sa kabila ng kabiguan.

Samantala, ginantihan ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang first round tormentor University of the Philippines Fighting Maroons sa pamamagitan ng 25-21, 25-16, 14-25, 26-24 panalo.

Kumamada si Faida Bakanke ng 20 points, kabilang ang 17 attacks at 3 blocks, habang may tig-14 points sina Gerzel Petallo at Chen Tagaod para sa Lady Tamaraws, na angat sa 7-4 marka. Nahulog sa 5-6 ang Fighting Maroons.