LADY CHIEFS NO. 3 SEED SA FINAL FOUR
NALUSUTAN ng Arellano University Lady Chiefs ang sibak nang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates sa limang sets, 25-16, 21-25, 25-21, 16-25, 15-5, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.
Nagbida si Sam Tiratira para sa Lady Chiefs na may 18 points, kabilang ang 14 attacks, 3 blocks, at 1 service ace, habang nagdagdag si Pauline de Guzman ng 17 points.
Dahil sa panalo ay tinuldukan ng Lady Chiefs ang double-round eliminations na may 12-6 kartada slate at papasok sa Final Four round bilang top 3 seed team.
“Siyempre masaya kami dahil ‘yung target naming season is nakuha namin,” ani Arellano head coach Obet Javier. “So sabi ko nga last time ‘yung makapasok muna kami sa Final Four, nakuha naman tapos saka kami na i-ta-target sa susunod.”
Bumida si Ashley Muchillas para sa Lady Pirates na may 20 points, habang sina Johna Dolorito at Joann De Guzman ay tumipa ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod. Laglag sila sa 8-9 kartada.
Pinataob naman ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights (15-3) ang Mapua University Lady Cardinals (11-7), 34-36, 25-18, 25-17, 25-22.
Dahil sa panalo ay tumibay ang kapit ng Lady Knights sa ikalawang puwesto patungo sa Final Four round, habang ang Lady Cardinals ay nahulog sa ikaapat na puwesto.
Sa men’s division, kinumpleto ng Colegio de San Juan de Letran Knights (12-6) ang Final Four cast matapos ang 25-16, 25-21, 25-20 pagwalis sa Mapua University Cardinals (14-4).
Nalusutan naman ng Arellano University Chiefs (13-5) ang Lyceum Pirates (2-15), 23-25, 25-10, 20-25, 25-22, 15-8. Nagbida sina Carl Bendal at AC Guinto sa kanilang 22 at 20 points, ayon sa pagkakasunod.