LADY BULLPUPS KAMPEON SA SHAKEY’S GVIL
PINATAOB ng National University Nazareth School Lady Bullpups ang Bacolod Tay Tung High School Thunderbolts, 27-25, 16-25, 21-25, 30-28, 15-13, upang magreyna sa Shakey’s Girls Volleyball Rising Cup 2025 Division 1 kahapon sa La Salle Green Hills Gym.
Kumamada si Sam Cantada ng 21 points, kabilang ang 15 attacks, 3 blocks, at 3 service aces, para pangunahan ang come-from-behind victory ng Lady Bullpups.
Nagdagdag si Denesse Daylisan ng 21 points, mula sa 18 attacks, 2 blocks at 1 service ace para sa NUNS, na tinalo rin ang Thunderbolts bilang kinatawan ng NCR sa Palarong Pambansa noong isang linggo.
Ito ang ikalawang sunod na taon na nagkasya lamang sa runner-up finish ang Thunderbolts matapos na kapusin din kontra Adamson University Lady Baby Falcons noong isang taon.
Samantala, nakopo ng De La Salle Lipa ang bronze medal sa Division 1 matapos ang 25-22, 25-11, 25-20 pagwalis sa Emilio Aguinaldo College Lady Brigadiers. Nanguna si Maxene Sumagaysay na may 11 points para sa DLSL.
Sa Division 2, nagreyna naman ang Domuschola International School matapos walisin ang Everest International Academy, 25-11, 26-24, 25-17. Nanguna si Naihma Banal sa kanyang 19 marka para sa Domuschola.
Nakuha ng Immaculate Conception Academy ang Division 2 bronze matapos gapiin ang Paul College Pasig, 25-12, 25-14, 25-16. Nagbida si Andy Tsai sa itinalang 13 points para sa ICA. ADRIAN STEWART CO