LADY BULLDOGS NILAPA ANG TIGRESSES SA UAAP VOLLEYBALL
MAINIT na sinimulan ng National University Lady Bulldogs ang kanilang title defense matapos pataubin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-23, 25-19, 23-25, 26-24, sa UAAP Season 88 women’s volleyball kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanguna sa panalo ng NU si rookie Sam Cantada, na nagtala ng impresibong collegiate debut matapos kumamada ng 21 puntos mula sa 17 attacks, tatlong aces, at isang block kasahog pa ang 14 excellent receptions.
Matapos na dominahin ng NU ang unang dalawang set, nakabawi ang UST sa ikatlong set upang manatiling buhay sa laban. Gayunman, ipinakita ng Lady Bulldogs ang kanilang composure sa ikaapat na set, kung saan nagawa nilang pigilan ang paghahabol ng Golden Tigresses upang maselyuhan ang panalo.
Nagdagdag si Evangeline Alinsug ng 18 puntos at 10 excellent receptions, habang nagtala si Arah Panique ng 15 puntos para sa Lady Bulldogs.
Sa panig ng UST, nanguna si Angeline Poyos na may 18 puntos at 10 excellent receptions, habang nag-ambag sina Julia Balingit, Xyza Gula, at Avril Bron ng tig-10 puntos.
Samantala, malakas rin ang naging panimula ng Adamson University Lady Falcons matapos na walisin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-19, 25-18, 25-10.
Pinangunahan ni Shaina Nitura ang opensa ng Lady Falcons sa kanyang 16 puntos, habang nag-ambag si Frances Mordi ng 14 puntos upang tulungan ang Adamson na makuha ang kanilang unang panalo.
Nagpakita rin ng mahusay na laro si Felicity Sagaysay na nagtala ng 13 excellent sets at nagdagdag ng limang puntos para sa Lady Falcons.
Nanguna sa Blue Eagles si Alexia Montoro na may limang puntos, habang sina Jihan Chuatico, Faye Nisperos, at rookie Ana Hermosura ay may tig-tatatlong puntos.