LADY BULLDOGS KAMPEON ULIT SA UAAP VOLLEYBALL
NAPANATILI ng National University Lady Bulldogs ang dominasyon sa UAAP women’s volleyball kasunod ng 25-19, 25-18, 25-19 pagwalis sa De La Salle University Lady Spikers sa Game 2 ng Season 87 Finals kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tinuldukan ni Mhicaela Belen ang kanyang collegiate career na may 18 points, 11 excellent digs, at 8 excellent receptions upang pangunahan ang NU sa ikalawang sunod na korona at ikatlo sa huling apat na UAAP seasons.
Nagdagdag si Alyssa Solomon ng 13 points at 5 excellent digs sa kanyang huling laro para sa Lady Bulldogs, habang tumapos si Evangeline Alinsug na may 9 points, kabilang ang dalawang huling puntos ng laro.
Mainit ang panimula ng Lady Bulldogs sa first set, kung saan umalagwa agad ito sa 10-3 kalamangan bago nagawang makalapit ng Lady Spikers sa 11-16. Gayunman, muling nakalayo ang NU sa likod ng opensa ni Solomon tungo sa 25-19 set win.
Patuloy ang arangkada ng Lady Bulldogs sa ikalawang set sa pangunguna ng sunod-sunod na puntos ni Belen para sa 19-11 lead. Sinubukan pa ng Lady Spikers na dumikit ngunit sumagot si Belen ng kanyang mga atake upang ibigay sa NU ang 2-0 set lead.
Sinubukan ng Lady Spikers na idikit ang laro sa kaagahan ng ikatlong set sa 10-12, ngunit muling kumawala ang Lady Bulldogs sa atake nina Alinsug at Belen para kunin ang 19-14 kalamangan tungo sa pagselyo ng kampeonato.
Nanguna naman si Angel Canino sa kanyang 12 points, 15 excellent receptions, at 9 excellent digs, habang may 10 points naman si Shevana Laput para sa Lady Spikers.
Samantala, napanatiling buhay ng NU Bulldogs ang kanilang five-peat bid sa men’s division matapos ang 25-20, 22-25, 25-15, 18-25, 15-11 Game 2 victory kontra Far Eastern University Tamaraws.
Naglista si Michaelo Buddin ng double-double na 20 points at 11 excellent receptions, nag-ambag si Obed Mukaba ng 20 points, habang sina Leo Ordiales at Leo Aringo ay may tig-13 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa NU.
“Sobrang thankful ako sa ginalaw ng players ko, talagang kahit hindi kami magkarinigan, nagkakatinginan na lang kami, kung ano dapat gawin sa loob ng court, sobrang thankful ako kasi nagdeliver talaga sila,” ani NU head coach Dante Alinsunurin.
Nagpakawala naman si Dryx Saavedra ng game-high 24 points, habang nagdagdag si rookie Amet Bituin ng 10 markers para sa FEU, na nais tuldukan ang 13-season championship drought sa Game 3 sa Sabado.