Overtime

LADY BLAZERS SWAK SA SEMIS; LADY CARDINALS HUMIRIT NG SUDDEN-DEATH

18 March 2026

UMABANTE sa Final Four ang College of Saint Benilde  Lady Blazers matapos pataubin ang Arellano University Lady Chiefs, 22-25, 25-15, 25-23, 25-17, sa NCAA Season 101 women’s volleyball quarterfinals kahapon sa San Andres Sports Complex.

Mula sa mabagal na simula ay nakabawi ang Lady Blazers upang makuha ang panalo at mapanatili ang kanilang kampanya para sa ika-5 sunod na kampeonato.

Pinangunahan ni Zam Nolasco ang opensa ng Lady Blazers sa kanyang 22 puntos, habang bumakas si Clydel Catarig ng 21 marka upang tuluyang patalsikin ang Lady Chiefs sa torneo.

Matapos magsalitan sa unang dalawang set, nabaon sa 9-15 ang Benilde sa ikatlong set bago bumuwelta sa isang 13-7 ratsada. Nanguna sa pagbangon sina Catarig at Shekaina Lleses upang maitabla ang laban sa 22-all.

Nagpasiklab si Catarig ng magkasunod na atake para dalhin ang CSB sa set point bago nakipagsanib kay Cristy Ondangan sa isang block na tuluyang nagbigay sa kanila ng set.

Dinala ng Lady Blazers ang momentum sa ikaapat na set kung saan agad silang nakapagtayo ng komportableng kalamangan. Pinatatag nina Ondangan at rookie Cam Bartolome ang depensa, habang patuloy namang umarangkada sa opensa sina Nolasco at Catarig hanggang tuluyang makuha ang panalo.

Sa panig ng Arellano, nanguna si Crisanta Servivad na may 22 puntos, habang nagdagdag sina Cassey Florida at Fhaye Mangubat ng tig-siyam na puntos.

Samantala, ipinuwersa ng Mapua University Lady Cardinals ang do-or-die game kontra San Beda University Lady Red Spikers matapos ang 25-22, 25-22, 25-21 panalo.

Nagbida si Angellick Gem Gavica sa kanyang 19 excellent sets.