Overtime

LADY BLAZERS SWAK SA NCAA FINALS

2 June 2025

BALIK sa NCAA women’s volleyball tournament Finals ang College of St. Benilde Lady Blazers kasunod ng 20-25, 25-15 25-17, 25-18 pagdispatsa sa Mapua University Lady Cardinals sa Final Four kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.

Kumamada si Zamantha Nolasco ng 19 points, kabilang ang 18 attacks at isang block, para mapiling Player of the Game para sa Lady Blazers, na target ang kanilang ikaapat na sunod na kampeonato.

“Masaya kami kasi na-achieve namin ‘yung goal namin na makabalik kami sa Finals,” pahayag ni Nolasco sa post-game interview. “Buhay pa ‘yung chance namin na makamit ang four-peat.”

“Sinabihan ako nung setter ko nung bago mag-fourth set na sa akin niya ibibigay mostly ‘yung bola kasi kailangan na naming pumuntos, luckily na-convert ko naman,” dagdag niya.

Sinabi ni Lady Blazers head coach Onyok Getigan na kinailangan niyang gisingin ang kanyang mga manlalaro sa ikalawang set matapos ang malamyang performance sa first set.

“Siyempre napagalitan namin ‘yung mga bata, ginising lang namin,” ani Getigan. “Mabuti nkana at nakapag adjust kaagad sila after nun at nakuha namin ang next three sets.”

Makakasagupa ng Lady Blazers sa finals ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights o Arellano University Lady Chiefs.

Sa men’s division Final Four, hinila ng Colegio de San Juan de Letran Knights ang College of St. Benilde Blazers sa winner-take-all game matapos ang 25-17, 25-23, 25-23 pagwalis.

Nanguna si John Derrick Bautista na may  17 points, kabilang ang 15 attacks at 2 blocks, para mapiling Player of the Game para sa No. 4 seed Knights.

“Every game lagi ko lang sinasabi sa teammates ko na whatever happens huwag naming ibaba ‘yung energy namin,” pahayag ni Bautista sa televised post-game interview.

“Pinush talaga namin na maipanalo ‘yung games para maipalabas ‘yung games namin sa TV at mapanood kami ng mga kamag anak namin na nasa province,” dagdag niya.