Overtime

LADY BLAZERS SINIBAK ANG LADY ALTAS SA ‘FINAL 4’ CONTENTION

27 May 2025

PINATALSIK  ng College of Saint Benilde Lady Blazers sa Final Four contention ang University of Perpetual Help Lady Altas matapos ang 25-15, 25-23, 25-18 pagwalis sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament noong Linggo sa Playtime FilOil Center sa San Juan City.

Nagtala si Mycah Go ng 12 points, 11 excellent digs, at 7 excellent receptions para mapiling Player of the Game para sa Lady Blazers, na hinigpitan ang kapit sa ibabaw ng standings sa kanilang 15-2 kartada.

Nanguna para sa Lady Blazers si Aya Densing na may 15 points, kabilang ang 13 attacks, at nagposte sina Cristy Ondangan at Zam Nolasco ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Dahil sa panalo ng Lady Blazers ay nasungkit na nito at ng pumapangalawang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights (14-3) ang twice-to-beat incentive sa Final Four round.

Habang nadala rin ng Lady Blazers sa Final Four round ang Mapua University Lady Cardinals at Arellano University Lady Chiefs, na kapwa may 11-6 marka.

Ayon kay Lady Blazers head coach Onyok Getigan, napabuti sa kanyang koponan ang double-round eliminations dahil mas natukoy nito ang magiging rotation ng kanyang players patungo sa Final Four round.

“Malaking bagay talaga ‘yung double-round eliminations. Dito ko nadetermine kung sino ‘yung mga ilalagay ko sa first six at sino ‘yung mga manggagaling off the bench,” pahayag ni Getigan.

“Hindi naman kasi makukuha ‘yun (first six) sa mga tune up games, sa actual games talaga,” dagdag pa niya. “Also mas nabigyan ng confidence ‘yung mga players ko na lumaro sa crucial matches.”

Nanguna sina Pauline Reyes at Mika Donig na may tig-10 points para sa Lady Altas, na hindi pinalaro ang stars na sina Winnie Bedaña at Shai Omipon kahit pa naghahabol sila sa semis seat. Laglag sila sa 9-8 kartada.

Sa men’s division, hinubaran ng CSB Blazers (14-3) ng korona ang University of Perpetual Help Altas (9-8) matapos ang 24-26, 25-22, 30-28, 25-17 panalo. Nagbida sa Blazers si Rocky Motol na may 28 points.