LADY BLAZERS PINASO ANG LADY GENERALS
WINALIS ng College of St. Benilde Lady Blazers ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-22, 25-12, 25-10, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Nanguna si middle blocker Zamantha Nolasco na may 16 puntos, kabilang ang 13 atake at 3 blocks, para sa nagdedepensang Lady Blazers, na nakopo ang solong liderato sa kanilang
9-2 kartada.
Nagdagdag ang kapwa beterano na si Wielyn Estoque ng 8 puntos, habang gumawa si team captain Mycah Go ng 7 puntos para sa Lady Blazers.
Nahaharap sa 16-19 deficit sa huling bahagi ng unang set, nagpakawala ang Lady Blazers ng 5-2 run para itabla ang iskor sa 21-all bago tuluyang sinelyuhan ang panalo mula sa nga atake ni Nolasco.
Buhat noon ay dinomina na ng Lady Blazers ang Lady Generals sa ikalawa at ikatlong sets sa pamamagitan ng mainit na panimula tungo sa pagselyo sa panalo sa loob ng tatlong sets.
Ang Lady Generals, na ginulantang ang Mapua University Lady Cardinals noong Miyerkoles, ay sumadsad sa 3-8 dahil sa pagkatalo.
Samantala, bumalik ang tikas ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates sa ikalimang set upang itakas ang 25-14, 22-25, 25-22, 17-25, 15-10 panalo kontra Jose Rizal University Lady Bombers.
Nanguna si Johna Dolorito sa kanyang 23 points, lahat ay nagmula sa attacks, habang sima Ashley Muchillas at Heart Bio ay may tig-11 puntos para sa Lyceum, na umangat sa 5-6. Laglag sa 1-10 ang Lady Bombers.
Sa men’s division, inalpasan ng CSB Blazers (9-2) ang EAC Generals (3-8), 25-16, 25-17, 23-25, 21-25, 17-15. Nanguna si Rocky Motol sa kanyang 24 puntos, kabilang ang anim sa ikalimang set, para sa Blazers.
Nailista naman ng JRU Heavy Bombers ang ikalawang sunod na panalo matapos walisin ang Lyceum Pirates, 25-23, 25-18, 30-28. Kapwa may 2-9kartada ang dalawang koponan.