LADY BLAZERS NAG-AALAB SA NCAA VOLLEYBALL
NAKOPO ng College of St. Benilde Lady Blazers ang ika-5 sunod na panalo matapos ang 25-17, 25-19, 25-18 pagwalis sa San Beda University Lady Red Spikers sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament sa EAC Gym sa Maynila.
Nanguna si Zamantha Nolasco sa kinamadang 14 points, kabilang ang 13 attacks at 1 block, para sa Lady Blazers na umangat sa ikalawang puwesto na may 12-2 kartada.
Nagposte si Mycah Go ng 13 points, 10 excellent digs, at 8 excellent receptions, habang umiskor si Cristy Ondangan ng 12 points para sa nagdedepensang Lady Blazers.
Ayon kay Lady Blazers head coach Onyok Getigan, malaking bagay para sa kanyang tropa ang panalo dahil ang susunod nilang makakasagupa ay ang nangungunang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights.
“Sa tuwing nananalo kami, ’yung kumpiyansa ng mga bata mas tumataas. May lapses pa rin pero trinatrabaho naman namin ’yun sa practices,” pahayag ni Getigan matapos ang laro.
Naglista naman si rookie Janelle Bachar ng 11 points, may 10 na ambag si Angel Mae Habacon, at may siyam si Reyann Canete para sa Lady Red Spikers, na nahulog sa 2-13 kartada.
Samantala, naitala ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates (7-8) ang 15-25, 21-25, 25-22, 25-22, 15-13 panalo kontra Emilio Aguinaldo College Lady Generals (4-11). Nanguna si Venice Puzon na may 19excellent sets para sa Player of the Game honors.
Sa men’s division, nakamit ng CSB Blazers (12-2) ang ikaapat na sunod na tagumpay matapos ang 25-23, 26-24, 25-23 pananaig sa San Beda University Red Spikers (8-7). Nagposte si Rocky Motol ng 23 points para sa Blazers.
Ginapi naman ng EAC Generals (5-10) ang Lyceum of the Philippines Pirates (2-13) sa loob ng tatlong sets, 25-21, 25-21, 25-21. Nagbida si Frelwin Taculog na may 17 points para sa Generals.