Overtime

INSENTIBO NG MGA ATLETA, DAPAT ISUNOD SA COST OF LIVING – GO

NANINIWALA si Senador Christopher 'Bong' Go na dapat isinunod na rin sa pagtaas ng cost of living o pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin ang insentibong ibibigay sa mga atletang Pilipino.

/ 18 May 2022

Sinabi ni Go na sa ngayon sa ilalim ng National Coaches and Athletes Incentives Law, makakatanggap ng insentibo ang mga atletang lumalaban sa iba’t ibang kompetisyon. 

Gayunman, tiniyak ng senador na kung kailangang magsulong ng panukala para itaas ang insentibo ay kanya itong gagawin bilang suporta sa mga atletang Pilipino.

“Kung kailangan na amyendahan natin ito, kung makakatulong pa dahil nagmamahal naman po ngayon ang presyo ng bilihin at yung cost of living dapat na rin po ay i-increase na rin ang kanilang mga incentives,” pahayag ni Go.

“Bilang chair (Senate Committee on Sports), handa po ako na tumulong sa kanila para mas lalo pa nating bigyan ng (insentibo) at maeenganyo yung mga atleta na magsipag pa sila na makakuha ng maraming ginto at maging number 1 tayo dito sa Southeast Asia at malay nyo pagdating ng panahon sa buong Asia tayo rin po ay mag-top rin po,” dagdag ng senador.

Binigyang-diin ng mambabatas na kailangan ng buong suporta ng mga atleta para mas paghusayan nila ang kanilang mga talento.

“Suporta po ang kailangan at pagkakaisa ng mga athletes, gobyerno at mga pribado. Hindi po kaya yan ng atleta lang, hindi po kaya yan ng gobyerno lang, hindi po kaya ng pribado yan. Dapat po buong-buong, magkaisa po magtulungan para sa ating mga atleta,” dagdag pa ng mambabatas.