Overtime

FOUR-PEAT SA LADY BLAZERS

12 June 2025

SINELYUHAN ng College of St. Benilde Lady Blazers ang four-peat sa NCAA women’s volleyball tournament matapos ang 25-19, 25-22, 25-19 pagwalis sa Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa Game 2 ng Season 100 Finals kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.

Kumamada si Clydel Catarig ng 11 points, kabilang ang 10 attacks at 1 block, upang pangunahan ang Lady Blazers at  mapiling Player of the Game. Tinapos ng St. Benilde ang best-of-three title series sa 2-0.

Nahirang naman bilang Finals MVP si Mycah Go matapos pangunahan ang arangkada ng Lady Blazers, na nakopo ang ikaapat na dikit na kampeonato buhat noong Season 97.

Ayon kay Lady Blazers middle blocker Zamantha Nolasco, inaasahan na nilang hindi magiging madali ang title-clinching victory dahil na rin sa kanaisan ng Lady Knights na humirit ng Game 3.

“We know that Game 2 is not going to be easy, but we treated it also as a do-or-die game for us, so we really went all out,” pahayag ni Nolasco sa post-game interview.

“Our coaches have been telling us during this championship series that we should go all-out for us to achieve our goal of four-peat,” dagdag pa niya.

Para naman sa Lady Knights, ito ang ikalawang sunod na taon na nagkasya sila sa runner-up finish matapos na matalo rin kontra Lady Blazers noong nakaraang season.

Sa men’s division, nakopo ng Arellano University Chiefs ang kauna-unahang men’s volleyball crown matapos ang 24-26, 25-21, 25-15, 25-17 Game 2 win kontra Colegio de San Juan de Letran Knights.

Nagpamalas ng kanyang playmaking skills si Adrian Villados tungo sa kabuuang 24 excellent sets para mapiling Player of the Game para sa panig ng Chiefs, na sinelyuhan ang kanilang serye sa 2-0.

Ang matikas na ball distribution ni Villados ay nagresulta sa balansiyadong atake nina Finals MVP Carl Berdal, Anfernee Curamen, AC Guinto, at Jake Pangilinan tungo sa pagselyo ng kampeonato.

“Maayos naman ‘yung ginalaw namin at talagang mahirap manalo against Letran kasi very resilient din ‘yung team nila,” pahayag ni Chiefs head coach Bryan Vitug.