FINAL FOUR CAST KINUMPLETO NG LA SALLE
SINIKWAT ng De La Salle University Green Archers ang huling Final Four slot sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kasunod ng 78-72 pagdispatsa sa Ateneo de Manila University Blue Eagles kagabi sa Araneta Coliseum.
Umabante ang Green Archers sa playoffs round kung saan haharapin nila ang No. 1 seed National University Bulldogs, na may hawak na twice-to-beat advantage.
Bumida si Jacob Cortez para sa La Salle, kumamada ng 20 puntos sa 9-of-12 shooting, 7 assists at 3 rebounds. Siya rin ang nagselyo ng pampitong tabla sa laro, 63-all, na nagbukas ng pinto para sa maalab na endgame.
Sumunod na nagtulak sa momentum ng Green Archers si Jan Macalalag na umagaw ng atensiyon sa kanyang corner triple para itulak ang La Salle sa 70–65 kalamangan.
Ngunit hindi basta bumitaw ang Ateneo—nanalasa sina Dom Escobar at Divine Adili para paliitin ang lamang, kahit na na-eject si Vhoris Marasigan matapos makapagtala ng 12 puntos.
Naitabla pa ni Waki Espina ang laban sa 72–72 sa huling minuto, pero mabilis na bumawi ang La Salle nang makalusot si Mike Phillips para sa isang mahalagang tip-in na nagbigay ng 74–72 kalamangan sa loob ng 46 segundo.
Dito na bumulusok ang Ateneo sa magkakasunod na turnovers sa inbound. Dalawang beses nakaagaw si Phillips at sinelyuhan ang panalo sa pamamagitan ng kanyang free throws para sa 78–72 final score.
Tinapos naman ng Far Eastern University Tamaraws ang kanilang season sa pamamagitan ng 81-79 pag-ungos sa University of Santo Tomas Growling Tigers sa unang laro.
Maagang nag-init ang opensa ng Tamaraws tungo sa pagtarak ng 46-25 halftime lead, ngunit unti-unting bumawi ang Growling Tigers at nataypas ang hinahabol sa 79-80.
Nagawang mapalawig ng Tamaraws ang kalamangan sa 81-79 matapos ang split free throw ni Jorick Bautista bago nagmintis si Growling Tigers guard Mark Llemit sa malayong tres.
Nanguna sina Bautista, Mo Konateh, at Luke Felipe para sa Tamaraws sa kanilang tig-15 puntos, habang kumabig ng tig-13 marka sina Janrey Pasaol at Kirby Mongcopa.