Overtime

‘FINAL 4’ BONUS PAG-AAGAWAN NG LADY SPIKERS, TIGRESSES

30 April 2025

PAG-AAGAWAN ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at De La Salle University Lady Spikers ang ikalawang twice-to-beat  Final Four incentive sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanatiling nakabitin ang ikalawang semis bonus matapos na magtabla ang Golden Tigresses at Lady Spikers sa 9-5 sa pagtatapos ng double-round eliminations noong Linggo.

Ang magwawaging  sa hatawan sa alas-2 ng hapon ang ookupa sa ikalawang puwesto na may twice-to-beat  advantage laban sa matatalong koponan.

Muling mangunguna para sa Golden Tigresses ni head coach Emilio “Kung Fu” Reyes sina Angeline Poyos, Regina Jurado, Bernadett Pepito, Cassie Carballo, Pia Abbu, Marga Altea, Mary Margaret Banagua, at Maribet Hilonggo.

Makakatapat nila sa panig ng Lady Spikers ni head coach Ramil de Jesus sina Angel Anne Canino, Shevana Laput, Lilay del Castillo, Shane Reterta, Alleiah Malaluan, Lyka de Leon, at Babyjyne Soreño.

Na-split ng Golden Tigresses at Lady Spikers ang dalawa nilang elimination round encounter, kung saan nagwagi ang UST sa unang round bago bumawi ang DLSU sa ikalawang round.

Tangan ng nagdedepensang National University Lady Bulldogs ang unang twice-to-beat incentive, kung saan makakatapat nila ang No. 4 na Far Eastern University Lady Tamaraws.