FEU HUMIRIT NG DO-OR-DIE GAME 3 SA V-LEAGUE
BUHAY pa ang Far Eastern University Lady Tamaraws matapos na maitakas ang 25-13, 25-22, 15-25, 25-23 panalo sa Game 2 laban sa Adamson University Lady Falcons sa 2025 V-League Collegiate Challenge Finals kahapon sa City of Dasmariñas Arena sa Cavite.
Nanguna sina Gerzel Petallo at Kyle Pendon para sa Lady Tamaraws, na nagpakita ng matatag na opensa sa mga kritikal na sandali upang buhayin ang tsansa ng koponan para sa kampeonato.
Ang winner-take-all Game 3 ay gaganapin sa Biyernes sa Playtime Filoil Center sa San Juan.
Si Petallo, na kamakailan ay kinilalang isa sa Best Outside Spikers ng liga, ay nagtala ng 15 puntos mula sa 11 attacks at apat na blocks, bukod pa sa 12 excellent digs at 14 excellent receptions. Tumulong din si Pendon sa panalo matapos mag-ambag ng 15 puntos na nagmula sa 12 attacks at 3 blocks.
“Talagang tyinaga po namin kasi gustong gusto po talaga naming manalo. We want this game para sa amin po talaga, kaya ayun proper mindset talaga before pa lang ‘yung game mag-start. Strong mentality lang po talaga, winning mentality,” ani Petallo.
Bumigay man saglit ang FEU sa dulo ng fourth set matapos mabura ang 22-18 na kalamangan dahil sa 5-1 rally nina Shaina Nitura, Frances Mordi, at Lhouriz Tuddao, agad bumawi ang Lady Tamaraws sa huling sandali.
Nagbigay-daan sa tagumpay ng FEU ang service error ni Red Bascon at isang crucial block ni Jaz Ellarina laban kay Mordi na nagselyo sa panalo matapos ang halos dalawang oras na bakbakan.
Nag-ambag si Ellarina ng 11 puntos, habang si team captain at playmaker Tin Ubaldo ay nagtala ng 23 excellent sets at tatlong puntos, at pinangunahan ni Mary Suplico ang floor defense sa 14 excellent digs.
Pinangunahan naman ni newly- crowned MVP Shaina Nitura ang Lady Falcons sa kanyang 20 puntos mula sa 18 attacks, isang ace, at isang block, bukod pa sa 14 excellent digs at 13 excellent receptions.