EALA BAGSAK ANG WTA RANKINGS
BUMABA sa No. 45 si Filipina tennis star Alexandra Eala sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) rankings mula sa dati niyang career-best na puwesto sa loob ng top 30.
Ang pagbaba ay naganap makaraan ang kanyang kampanya sa Miami Open, kung saan nagtapos ang kanyang paglahok sa round of 16. Sinibak siya ng Czech na si Karolina Muchova sa straight sets, 0-6, 2-6.
Bagama’t umabot sa last 16, hindi napantayan ni Eala ang puntos na nakuha niya sa parehong torneo noong nakaraang taon kung saan umabot siya sa semifinals. Sa pagkakataong ito, 120 puntos lamang ang kanyang naipon kumpara sa 390 puntos noon.
Dahil dito, bumaba ang kanyang kabuuang puntos sa 1,255 upang malagpasan siya ng ilang manlalaro sa standings.
Susunod na tututok si Eala sa European clay-court season kung saan nakatakda siyang lumahok sa ilang malalaking torneo. Sasabak siya sa Linz Open sa Austria mula Abril 6 hanggang 12.
Kasama rin siya sa Stuttgart Open sa Germany bilang qualifier, gayundin sa Madrid Open, isang WTA 1000 event na gaganapin mula Abril 21 hanggang Mayo 3, kung saan target niyang makabawi at muling umangat sa rankings.