Overtime

DONGALLO, 3 PA NILAYASAN ANG UE, LUMIPAT SA UP

16 January 2025

INIWAN na ni rising star Casiey Dongallo ang University of the East matapos ang isang season lamang sa Lady Red Warriors upang lumipat sa University of the Philippines.

Ginawa ito ni Dongallo makaraang lumipat din ang kanyang mentor at developmental expert na si Dr. Ober Vital sa UP bilang isa sa assistant coaches ni newly-minted head coach Benson Bocboc.  Nasubaybayan ni Vital ang pag-angat ni Dongallo mula sa isang aspirant sa Cebu sa pagiging super rookie sa kamakailang UAAP season.

Pagsisilbihan ni Dongallo, na minsang binura ang UAAP scoring record para sa isang rookie sa Season 86, ang one-year residency period bago maglaro para sa Fighting Maroons sa UAAP Season 88.

Ang 5-foot-7 outside spiker ay sasamahan ng fellow former UE Lady Warriors sa katauhan nina setter Kizzie Madriaga, Jelai Gajero, at Jenalyn Umayam upang tulungan ang mga tulad nina Nina Ytang at dating  UAAP juniors MVP Kianne Olango.

“It’s about time na palakasin din natin ang volleyball teams natin because they have great potential to be another source for unity ng UP community. We welcome the entry of Doc Obet and his players ‘di lang para palakasin ang WVT, but to also show that we’re turning serious about competing in volleyball,” pahayag ni UP Office for Athletics and Sports Development director Bo Perasol.

Umaasa si Dongallo at ang kanyang mga kasamahan na matulungan ang UP na mahigitan ang nakadidismayang 1-13 record noong nakaraang taon at madala ang eskuwelahan sa kanilang unang Final four appearance magmula noong 2017.