Overtime

DO-OR-DIE SA ALAS PILIPINAS, IRAN SA FIVB WORLDS

18 September 2025

MATAPOS na masungkit ang kanilang kauna-unahang panalo sa world stage, puntirya ng Alas Pilipinas na muling umukit ng kasaysayan sa pagsagupa sa Iran sa isang do-or-die match na magdedetermina sa kanilang kapalaran sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship ngayong Huwebes.

Nakatakda ang salpukan ng mga Pinoy at ng world no. 15 Iranians sa alas-5:30 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kung saan ang magwawagi ay uusad sa Round of 16 at ang matatalo ay masisibak sa kontensiyon.

May 1-1 kartada, susubukan ng tropa ni head coach Angiolino Frigoni na silatin ang powerhouse Iran upang makasampa sa susunod na round.

Sa likod ng impresibong laro nina Leo Ordiales, Bryan Bagunas, Marck Espejo, Josh Ybañez, at Kim Malabunga, ginulantang ng Alas Pilipinas ang Egypt, 29-27, 23-25, 25-21, 25-22, para sa makasaysayang panalo noong Martes.

“This is not just for the Philippines, this team was with me for 15 or 16 months and I saw how they improved,” pahayag ni Frigoni matapos ang kanilang panalo sa Egypt.

Sa panig naman ng Iran, kabado si head coach Roberto Piazza sa nakatakda nilang laban kontra Alas Pilipinas dahil na rin sa tangan nitong momentum.

“I would like to say sorry because I would rather face any other team, not the Philippines, because they are the host of the Championships,” pahayag ni Piazza.

“This is my fourth straight season here — the first three with the VNL and now with the World Championship — and it has always been amazing,” dagdag pa niya.