DLSU WINALIS ANG UST SA UAAP WOMEN’S VOLLEY
MAGAAN na dinispatsa ng De La Salle University Lady Spikers ang University of Santo Tomas Growling Tigresses, 25-14, 25-15, 26-24, sa UAAP Season 88 Women’s Volleyball Tournament kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinangunahan ni Shevana Laput ang opensa ng Lady Spikers sa kanyang 22 puntos mula sa 17 attacks, apat na blocks, at isang service ace para sa ikalawang sunod na panalo ng La Salle (2-0).
Nag-ambag si Angel Canino ng 13 puntos mula sa siyam na attacks, tatlong blocks, at isang service ace, habang nagtala ang rookie setter na si Eshana Rose Nunag ng 16 excellent sets at tatlong puntos para sa DLSU.
Dominante ang Lady Spikers sa unang dalawang set, ngunit nagpakita ng bangis ang Growling Tigresses sa ikatlong yugto matapos burahin ang 14-10 pagkakaiwan upang manatili sa laban.
Naipuwersa ng Growling Tigresses ang tabla sa 24-all, ngunit nanatiling kalmado ang Lady Spikers at naisalba ang panalo upang tuluyang makumpleto ang straight-sets victory.
Si Angeline Poyos lamang ang nagtala ng double-digit na puntos para sa UST sa kanyang 16 puntos. Bumagsak sila sa 0-2, ang kanilang pinakamasamang simula mula pa noong Season 79 noong 2017.
Samantala, bumangon mula sa dalawang set na pagkakaiwan ang University of the Philippines Fighting Maroons upang pabagsakin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 17-25, 19-25, 25-22, 25-23, 16-14.
Matapos ang mabagal na simula, ipinamalas ng Fighting Maroons ang tibay ng loob sa huling tatlong sets upang agawin ang panalo at itaas ang kanilang kartada sa 2-0 sa unang bahagi ng torneo.
Pinangunahan ni Niña Ytang ang UP sa kanyang 15 puntos mula sa 11 attacks, tatlong blocks at isang service ace. Nag-ambag si Irah Jaboneta ng 14 puntos mula sa 13 attacks at isang ace, bukod pa sa walong excellent digs at pitong excellent receptions.
Nagbigay rin ng tig-13 puntos sina Fina Ali at Casiey Dongallo, kung saan si Ali ang bumanat ng mahalagang atake sa dulo ng ikalimang set upang ilapit ang Maroons sa panalo.
Pinangunahan ni Jennifer delos Santos ang Ateneo (0-2) sa kanyang 21 puntos, nagdagdag si Ana Hermosura ng 19, habang gumawa sina Dona Mae de Leon at Zey Pacia ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.