Overtime

DLSU PERFECT PA RIN SA NCAA WOMEN’S VOLLEY

22 March 2026

IPINAGPATULOY ng De La Salle University Lady Spikers ang kanilang dominasyon matapos pataubin ang Adamson University Lady Falcons sa apat na set, 25-19, 17-25, 25-23, 25-23, sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum

Kumamada si Angel Canino ng double-double na 21 puntos at 15 excellent receptions para sa Lady Spikers na sinimulan ang second round ng eliminations na may malinis na 8-0 kartada.

Nag-ambag si Amie Provido ng 18 puntos, tampok ang limang blocks, habang nagdagdag si Shevana Laput ng 10 puntos. May siyam na puntos at 15 excellent receptions naman si Shane Reterta para sa DLSU.

Ipinakita ng Lady Spikers ang kanilang composure sa mga huling bahagi ng laban, lalo na sa dikitang ikatlong set, bago tuluyang isinara ang laban sa ikaapat na set upang mapanatili ang kanilang walang talong rekord.

Bumagsak naman sa 4-4 ang Adamson matapos hindi mapanatili ang kanilang momentum mula sa panalo sa ikalawang set. Nanguna si Shaina Nitura sa Lady Falcons na may 23 puntos.

Sa unang laro, bumawi mula sa mabagal na simula ang University of Santo Tomas Golden Tigresses upang talunin ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 21-25, 25-11, 25-22, 25-12.

Pinangunahan ni Angeline Poyos ang UST sa naitalang 25 puntos at 11 excellent receptions, habang nagtala si Regina Jurado ng double-double na 20 puntos at 21 rebounds. Umangat ang koponan sa 5-3 kartada.

Nag-ambag si Jonna Perdido ng 10 puntos at siyam na excellent digs, habang nagtala si Cassie Carballo ng 22 excellent sets bukod sa dalawang puntos mula sa atake. Nagrehistro naman si Bernadett Pepito ng 13 excellent digs at 10 excellent receptions para sa UST.

Matapos isuko ang unang set, agad nag-adjust ang Golden Tigresses at tuluyang kinontrol ang laban, dinomina ang sumunod na tatlong sets upang masungkit ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

Sa panig ng Ateneo, nagtala ang rookie na si Ana Hermosura ng 11 puntos, 12 excellent digs, at siyam na excellent receptions, ngunit bumagsak sila sa 1-7 rekord at nananatili sa ibabang bahagi ng team standings.