Overtime

CHED KASAMA SA IMBESTIGASYON SA PAGLABAG NG QUARANTINE PROTOCOLS NG UST MEN’S BASKETBALL

SINABI ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera na hinihintay na nila ang resulta ng imbestigasyon sa diumano'y paglabag sa quarantine protocols ng men's basketball team ng University of Santo Tomas (UST) nang magsagawa ng pagsasanay sa Sorsogon noong Hunyo.

/ 28 August 2020

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni de Vera na kasama umano ang Komisyon sa kasalukuyang imbestigasyon na sinimulan ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at ng  Department of Health (DOH).

Ayon kay De Vera, bilang mga atleta, ang mga batang manlalaro ay mga estudyante din kung kaya’t ang CHED ay kasali rin sa naturang imbestigasyon para matukoy kung sino ang may pananagutan dito.

“Ibigay ko muna siguro iyong konteksto kung ano na ang latest dito ‘no. Iyong unang imbestigasyon kasi ay sinimulan ng Philippine Sports Commission, ng Games and Amusement Board at ng Department of Health dahil sa paglabag sa joint administrative order doon sa conduct ng sports activities, kaya ito iyong sinimulang imbestigasyon,” ani de Vera.

“Ngayon, kahapon, isinama na ang CHED doon sa usapan dahil iyong unang imbestigasyon ay iyong violation ng protocols sa sports activities. Pero kailangang tandaan natin itong mga athletes na ito ay estudyante rin kaya sumama na ang CHED doon sa imbestigasyon dahil iyong unang imbestigasyon ay iyong athlete part, ngayon iyong student part iyan ay under ng Komisyon,” dagdag pa ng Kalihim.

Sinabi din ni De Vera na malinaw anya ang nakasaad sa CHED advisories base sa mga desisyon ng Inter-Agency Task Force na dapat tiyakin ng mga unibersidad o pamantasan ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante at hangga’t maaari manatili na lamang sa kanilang mga tahanan para hindi mahawa sa Covid19.

“Kaya inutusan na natin ang mga pamantasan na pabalikin na, halimbawa, as early as March iyong mga nag-o-OJT, iyong mga nag-i-internship, bawiin na. Iyong mga internship abroad, pauwiin na. Lahat ito ay para sa safety ng mga bata. At sinasabihan natin ang mga pamantasan na huwag ipapadala ang mga bata sa mga lugar na hindi ligtas,” ani De Vera.

“So ang gustong makita ng Komisyon dito ay kaninong desisyon ba ito? Kasi ang accountable officials as far as the CHED is concerned ay iyong mga namumuno ng pamantasan. Kaya hihintayin namin ang report ng UST at titingnan namin sa imbestigasyon ng UST, sino ba ang nag-authorize nito? Ito ba ay sanction ng pamantasan? Ito ba ay ginawa ng isang opisyal ng pamantasan? Ito ba ay ginawa nang walang pahintulot ang pamantasan? Iyan ang mga unang kailangang tingnan,” dagdag pa ng Kalihim.