Overtime

CARDINALS, KNIGHTS HUMIRIT NG DO OR DIE

27 November 2025

NANATILING buhay ang title defense bid ng Mapua University Cardinals makaraang igupo ang College of St. Benilde Blazers, 73-58, sa  NCAA Season 101 men’s basketball quarterfinals kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.

Nanguna si Cyril Gonzales para sa Cardinals na may 17 puntos, habang nag-ambag sina JC Recto at Marc Cuenco ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang punan ang malamig na laro ni Clint Escamis na nalimitahan sa dalawang puntos.

Sa panalong ito ay naipuwersa ng defending champion Cardinals ang winner-take-all game laban sa Blazers — ang nakatunggali rin nila sa Season 100 Finals — matapos na mabalewala ang twice-to-beat advantage ang Benilde.

Maaga pa lang ay nagparamdam na ang Cardinals, lumamang ng 24-13 sa first quarter bago tinapos ang first half na may 39-27 bentahe.

Nagawa pang tapyasin ng Blazers ang kalamangan sa 51-56 sa pagsisimula ng fourth quarter, pero sunod-sunod na tres mula kina Marc Igliane at JC Recto, dagdag pa ang dalawang magkasunod na tira ni Gonzales, ang nagselyo sa panalo ng Mapua.

Pinangunahan nina Shawn Umali at Ian Torres ang CSB na may tig-10 puntos.

Nanatili ring buhay ang kampanya ng Colegio de San Juan de Letran Knights matapos daigin ang Arellano University Chiefs, 87-78, sa kanilang quarterfinals matchup.

Pinangunahan ni Johnsherick Estrada ang Knights sa kanyang 22 puntos, 4 rebounds, 2 assists, at 1  steal. Nagpasiklab din si Kevin Estrada sa pag-ukit ng career-high 20 points, kasama ang 9 rebounds at 3 blocks.

Nag-ambag si rookie guard Jonathan Manalili ng 15 puntos, 9 assists, 3 steals, at 2 rebounds, habang nagmula sa bench si Deo Cuajao upang magpakawala ng 11 puntos para sa Letran.

Dahil sa panalo, naipuwersa ang isang do-or-die duel sa pagitan ng Knights at Chiefs sa Biyernes sa parehong venue, kung saan ang mananalo ay uusad sa semifinals.

Sa panig ng Arellano, na may twice-to-beat advantage, nanguna si T-Mc Ongotan na may 18 puntos, 9 rebounds, at 6 assists. Nagdagdag si Basti Valencia ng 11 puntos, habang sina Charles Libang at Anjord Cabotaje ay nag-ambag ng tig-10.