Overtime

BULLDOGS SOLO LEADER SA UAAP

Mga laro sa Miyerkules: (SM Mall of Asia Arena) 3 p.m. – DLSU vs UE (Men) 5 p.m. – UST vs FEU (Men)

13 October 2025

NATAKASAN ng  National University Bulldogs ang De La Salle University Green Archers, 82-78, upang kunin ang solong liderato sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion.

Abante ang Green Archers, 61-55, sa pagtatapos ng third quarter bago rumatsada ang Bulldogs sa final quarter sa likod ng mga clutch play nina PJ Palacielo at Reinhard Jumamoy.

Nagbuhos si Palacielo ng 16 puntos, 10 dito ay sa final quarter, habang nagdagdag si Jumamoy ng walong puntos, lahat ay galing sa fourth, upang iangat ang NU sa 5-1 karta.

“Sa past games nga sa preseason, talagang hindi namin matalo ang La Salle. Talagang kailangan namin gawan ng paraan kung ano ‘yung bubutasin namin sa kanila para talunin namin sila,” pahayag ni Palacielo.

Nanguna sa opensa ng Bulldogs si Jake Figueroa sa kanyang 18 puntos, sumunod sina Paul Francisco at Gelo Santiago na may 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“The boys really wanted it since the other day pa sa practice. You can see that they were so focused on what they’re doing, they were so relaxed. We know that when we entered this game, alam nila yung gagawin nila,” sabi ni NU assistant coach Vic Ycasiano.

Pinangunahan ni Michael Phillips ang La Salle (2-3) na may  15 puntos, 16 rebounds, at 3  steals, habang nagtala rin ng 15 puntos si Jacob Cortez. Nag-ambag si Kean Baclaan ng 11 puntos at 6 assists.

Samantala, nasungkit ng nagdedepensang University of the Philippines Fighting Maroons (4-2) ang ikaapat na dikit na tagumpay laban  sa Far Eastern University Tamaraws (1-4), 69-66.

Nagbida si Harold Alarcon para sa Fighting Maroons ng  15 puntos, kumamada  si Isagani Stevens ng 14 marka, habang may 12 puntos si Reyland Torres.

Ratsada si Jorick Bautista sa kanyang 18 markers para sa Tamaraws, habang nagdagdag sina Mo Konateh at Janrey Pasaol ng 16 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Iskor

Unang laro

NU (82)  – Figueroa 18, Palacielo 16, Francisco 13, Santiago 12, Jumamoy 8, Parks 6, Garcia 4, John 3, Manansala 2, Enriquez 0, Padrones 0, Reyes 0, Navarro 0.

DLSU (78)  – Cortez 15, Phillips 15, Baclaan 11, Pablo 8, Amos 7, Gollena 6, Macalalag 5, Abadam 4, Daep 3, Dungo 2, Nwankwo 2, Melencio 0, Marasigan 0.

Quarterscores: 21-23, 40-40, 55-61, 82-78.

Ikalawang laro

UP (69)  – Alarcon 15, Stevens 14, Torres 12, Remogat 8, Bayla 8, Fortea 4, Abadiano 3, Belmonte 2, Yniguez 2, Nnrouka 1, Alter 0, Palanca 0, Briones 0.

FEU (66)  – Bautista 18, Konateh 16, Pasaol 11, Mongcopa 8, Owens 7, Daa 2, Felipe 2, Salangsang 2, Jones 0, Montemayor 0, Macapagal 0, Ona 0.

Quarterscores: 16-14, 38-36, 55-52, 69-66.