BULLDOGS NILAPA ANG TIGERS, SALO SA LIDERATO
NAGING matatag si Jake Figueroa sa endgame upang igiya ang National University Bulldogs sa 76-69 panalo kontra University of Santo Tomas Growling Tigers sa UAAP Season 88 men’s basketball kahapon sa UST QPav.
Nahaharap sa 66-67 deficit matapos ang layup ni Growling Tigers guard Mark Llemit, sumagot ang Bulldogs ng back-to-back baskets mula kina Gelo Santiago at Figueroa para sa 70-67 abante.
Natapyas ng UST ang deficit sa 69-70 sa layup ni Nicael Cabañero, ngunit isang tres ni Figueroa at free throws nina Santiago and Steve Nash Enriquez ang nagselyo sa panalo ng NU.
Nagtala si Figueroa ng 22 puntos, habang sina Omar John at PJ Palacielo ay may tig- 10 puntos para sa Bulldogs, na nanatiling walang bahid ang marka matapos ang tatlong laro at sumalo sa liderato sa Ateneo.
Bumida si Cabañero na may 19 puntos, nagdagdag si Amiel Acido ng 18 marka, habang sina Llemit at Rence Padrigao ay may 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa UST, na laglag sa 2-1 karta.
Samantala, nalusutan ng De La Salle Green Archers ang matinding paghahabol ng Far Eastern University Tamaraws sa fourth quarter tungo sa dikitang 74-72 panalo.
Lamang ng hanggang 14 puntos sa ikatlong yugto ang Green Archers, nagpakawala ng matinding arangkada ang Tamaraws sa ikaapat na yugto para ibaba ang hinahabol sa 72-74.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Tamaraws na itabla ang iskor ngunit mintis ang layup ni Jorick Bautista, dahilan upang maitakas ng Green Archers ang dikitang panalo.
Pinangunahan ni Andrei Dungo ang Green Archers na may 17 puntos habang nag-ambag sina Mason Amos, Jacob Cortez at EJ Gollena ng tig-14 puntos para umangat sa 2-1 kartada.