Overtime

BULLDOGS BALIK SA UAAP VOLLEYBALL FINALS

8 May 2025

BALIK sa UAAP men’s volleyball Finals ang National University Bulldogs kasunod ng 25-23, 25-23, 25-23 pagwalis sa University of Santo Tomas Golden Spikers sa do-or-die Final Four match kahapon sa  Araneta Coliseum.

Nanguna sa scoring  para sa NU si Leo Ordiales na may 20 points, mula sa 19 attacks at 1 block, habang kumamada si Jade Disquitado ng double-double na 14 points at 11 excellent receptions.

Pasiklab din  ang pagbabalik ni Michaelo Buddin mula sa right ankle sprain injury matapos na magtala ng 7 points para sa Bulldogs, na puntirya ang  ika-5 sunod na kampeonato.

Maningas ang panimula ng Bulldogs matapos na itarak  ang 16-11 kalamangan bago humarurot pabalik ang Golden Spikers upang itabla ang set sa 23-all. Sumagot naman ang NU ng magkasunod na atake mula kina Ordiales at Obed Mukaba upang selyuhan ang set win.

Ang UST naman ang nagkaroon ng mainit na panimula sa ikalawang set nang umarangkada sa 19-15 kalamangan, ngunit binura rin ito ng NU bago sinungkit ang 2-0 set lead mula sa puntos nina Buddin at Choi Diao.

Palitan ng lamang ang dalawang paaralan sa ikatlong set kung saan nakauna ang NU sa 10-7 bago inagaw ng UST ang abante sa 13-12. Tabla pa ang dalawang koponan sa 23 bago sinelyuhan ni Buddin ang panalo sa dalawang dikit na atake.

“Sobrang nagkumpiyansa kami sa laro (nung Game 1). Sobrang kumpiyansa talaga. Para sa akin, ‘yun lang ‘yung naging problem talaga kasi nandoon naman kami nung first and second sets,” ani Bulldogs coach Dante Alinsunurin.

“Talagang nalagay lang namin ‘yung sarili namin sa alanganin na sitwasyon kung saan nagrelax kami. Kaya dito sa Game 2, ipakita namin ‘yung itsura at ‘yung manner na gusto nila manalo para sa NU,” dagdag pa niya.

Nanguna naman si two-time UAAP MVP Josh Ybañez para sa Golden Spikers sa kanyang 14 points, habang nagdagdag si Gboy de Vega ng 12 markers upang tapusin ang season sa ikatlong puwesto.

Makakatapat ng Bulldogs sa best-of-three title series ang top-seed Far Eastern University Tamaraws simula sa Linggo sa kaparehong venue.