BOMBERS UNGOS SA RED LIONS SA NCAA
ISINALPAK ni Allen Laurenaria ang game-winning basket sa huling apat na segundo upang ihatid ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa makapigil-hiningang 67-66 panalo kontra San Beda University Red Lions sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bagaman anim na puntos lamang ang naitala, lahat ng ito ay nagmula sa huling yugto ng laro, kabilang ang winning shot na nagbigay sa Bombers ng ikalawang panalo sa tatlong laro. Bunsod nito, kapwa may 2-1 kartada ang dalawang koponan.
Mula sa 58-61 na abante ng San Beda, kumamada si Laurenania ng dalawang magkasunod na layup bago isinunod ni Justin Lozano ang isang three-point play para iangat ang JRU sa 65-61.
Hindi naman nagpahuli ang Red Lions matapos ang sunod-sunod na basket nina Nygel Gonzales at John Bryan Sajonia upang itabla ang iskor sa 65-all. Isang free throw ni Agjanti Miller ang nagbigay ng 66-65 kalamangan sa San Beda, bago sinelyuhan ni Laurenania ang panalo sa kanyang tira sa natitirang apat na segundo.
Tinangka pang agawin ni Sajonia ang panalo, ngunit nabigo ito matapos harangin ng depensa ng Bombers.
Bukod sa anim na puntos, nag-ambag din si Laurenaria ng apat na rebounds at isang block. Nanguna naman si Sean Salvador para sa JRU na may 15 puntos, habang may 13 si Lozano.
Sa panig ng San Beda, umiskor si Sajonia ng 16 puntos, habang may tig-13 sina Miller at John Bismarck Lina.
Samantala, nakabawi ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags (1-2) matapos talunin ang Lyceum of the Philippines University Pirates (0-3), 100-94, sa double overtime.
Nanguna sina Ian Cuajao at Christian Ricio para sa Golden Stags sa kanilang tig-25 puntos, nagdagdag si Jhuniel Dela Rama ng 15 puntos at 23 rebounds, habang may 12 marka naman si Oneil Castor.